Reina La Bulakenya Chelsea Anne Manalo, nagbalik sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Puno ng kagalakan ang buong Lalawigan ng Bulacan nang kanilang salubungin ang pag-uwi ng kanilang minamahal na Reina La Bulakenya, Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Anne Manalo sa isang victory parade sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan Sabado ng umaga.

Ms Universe Philippines Chelsea Manalo kasama si Gob. Daniel Fernando

Sa pamamagitan ng isang magarbong programa, sinalubong si Manalo ng masisiglang pagbati at palakpakan mula sa kapwa niya mga Bulakenyo na pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama ang mga opisyal at pinuno ng mga tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan.

 

Pinarangalan siya ng pinakamataas na pagkilala mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa anyo ng tropeo para sa kanyang pagkapanalo sa Binibining Pilipinas, habang ipinagkaloob din sa kanya ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang pinakamataas na pagkilala at pagbati sa pamamagitan ng Kapasyahan Blg. 461-2024, na iprinisinta ni Castro sa programa.

 

Sa kanyang taus-pusong mensahe, ibinuhos ni Fernando ang kanyang umaapaw na suporta sa ngalan ng mga Bulakenyo habang pinaghahandaan ng Reina La Bulakenya ang kanyang pagsabak sa entablado ng Miss Universe sa Mexico, at ipinagdiwang ang representasyon ng isa pang Bulakenyo sa internasyunal na entablado.

Ms Universe Philippines Chelsea Manalo, Gob. Daniel Fernando, Bise Gob Alex Castro

“Sa iyo, Chelsea, maraming salamat sa karangalang ibinahagi mo sa iyong mga kababayan. On a personal note, salamat sa pagkakataong ang inyong Abang Lingkod ay maging bahagi ng iyong Miss Philippines- Universe Journey. Ang buong Bulacan ay nagbubunyi sa iyong matamis na tagumpay. Hindi ka lamang isang reyna ng kagandahan; ikaw ay isang liwanag ng pag-asa at inspirasyon sa bawat kabataang Bulakenyo, at sa buong sambayanang Filipino,” anang The People’s Governor.

 

Naging emosyonal naman si Manalo sa kanyang mensahe nang magpahayag ng pasasalamat sa lahat ng nag-ambag sa kanyang tagumpay, lalo na ang kanyang mga magulang na sina Contessa Manalo at Randy Angeles, at Manny Halasan, ang nagdisenyo ng kanyang gown, sa kanilang walang sawang suporta sa kabila ng kanyang muntikang hindi pagtuloy sa Binibining Pilipinas pageant.

 

Pinasalamatan din niya ang lahat ng tumulong sa kanyang pageant journey at personal na buhay, at nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga Bulakenyo, sa kanilang patuloy na suporta gaano man ito kaliit o kalaki.

 

“We are our own heroes. So kayo pong lahat ay nakikita ko as my own hero here supporting me. Your dreams and your time will come, and my time will come, and we’ll continue when I get to bring home the 5th crown for the Miss Universe 2024. Maraming salamat po sa opportunity na ito, I give it back to everyone here. My victory is also yours, maraming salamat po,” anang Reina La Bulakenya.

 

Samantala, binagtas ng parada ang mga makasaysayang kalsada ng lalawigan mula sa Capitol Compound hanggang Malolos Bayan sa pamamagitan ng Paseo Del Congreso, at nagtapos sa Malolos-Guiguinto Boundary Arch, na nagbigay-daan sa mga residente na masulyapan ang kanilang reyna at palakpakan siya.