Tatlong babaeng incumbent mayor ang naghahangad ng reelection habang isang trans woman naman ang tatakbo ring alkalde sa lalawigan ng Bulacan.
Sa nakaraang filing ng candidacy ay kaniya-kaniya nagsumite ng certificate of candidacy (COC) ang mga aspiranteng nagnanais na makapaglingkod sa kanilang bayan at ilan sa mga ito ay mga reelectionists na lady mayor.
Kabilang sa mga ito ay sina Pulilan Mayor Maritz Ochoa-Montejo, San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan at Paombong Mayor Mary Anne Marcos habang ang kapitan ng barangay ng Iba, Hagonoy na tatakbo ring mayor na si ABC President Jhane Dela Cruz ay isang trans woman.
Si Montejo ng Pulilan ay naghahangad ng kaniyang ikatlong termino matapos maghain ng COC kamakailan sa ilalim ng Nacionalista Party (NP) kasama ang buong line-up nito.
Ayon kay Montejo, nakasentro ang kaniyang huling term sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng enhanced recovery program at pag-update sa comprehensive development plan para makabangon muli mula sa pandemiya.
Trabaho, edukasyon at kalusugan naman ang tututukan ni National Unity Party (NUP) San Ildefonso Mayor Tan kung papalarin na maluklok muli bilang punong bayan. Prayoridad ni Tan na palawigin ang development program ng bayan sa pamamagitan ng paghikayat ng maraming investors.
Samantala, si Dela Cruz na isang trans woman na incumbent barangay captain at pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Bulacan ang susubok na makapaglingkod bilang mayor sa bayan ng Hagonoy makaraang iendorso ng ibat-ibang sektor para tumakbong alkalde.
Pagsasaayos ng mga ilog, creek at drainage sa pamamagitan ng enhanced dredging program ang prayoridad ni ABC Dela Cruz sa bayan ng Hagonoy upang masolusyunan o problema sa pagbaha.
Ang iba pang mga lady public service aspirants ay ang nagbabalik na si former mayor Jocell Vistan-Casaje sa bayan ng Plaridel; Elena Germar para mayor ng Norzagaray at Ma. Cristina Gonzales na makakalaban ni Marcos sa Paombong; Congressional seat aspirant Tina Pancho ng Ikalawang Distrito; relectionist Congresswoman Lorna Silverio ng 3rd District.