PUMATAY KAY PRINCESS MARIE ARESTADO

Victim: Princess Marie Dumantay
NAARESTO  nitong Huwebes ng umaga ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Police Regional Office (PRO5) at Bulacan PNP ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa 15-anyos na si Princess Marie Dumantay na natagpuang walang buhay sa isang madamong lugar sa Bustos, Bulacan malapit sa Plaridel Bypass Road noong Biyernes, Agosto 12, 2022.
 
Kinilala ni PLtCol Jacquiline Puapo, OIC provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang suspek ay kinilala si Gaspar Maneja Jr y Madredano alias Jose Francisco Santos, siya ay nadakip sa Barangay Veneracion, (Taguilid) Pamplona Camarines Sur.
 
Sinampahan na gg kasong Rape with Homicide ang suspek base sa mga nakalap na ebidensiya laban dito kabilang na ang forensic Autopsy Report na ang biktima ay positibong ginahasa bago pinatay.
 
Magugunita na ang dalagitang biktima ay natagpuang patay nitong Biyernes ng umaga sa isang madamong lote sa Plaridel Bypass Road sakop ng Barangay Bonga Menor, Bustos, Bulacan matapos ang ilang araw na pagkawala nito.

Ang dalagita ay isang bike-rider at residente ng Block 19, Lot 32 Graceville, Towerrville, San Jose Del Monte Bulacan.
Nabatid na huling nagpaalam ang biktima sa kapatid nitong si Paulo Dumantay noong Agosto 10 bandang alas-8:00 ng umaga na makikipagkita sa isang lalaki na nagngangalang Jose Francisco Santos na aniya’y bibigyan siya ng bisikleta.
 
Base sa mga witness, bandang alas-5:00 ng hapon ay sinundo ang biktima ng kaibigan nito at nagpahatid sa Commonwealth Hospital kung saan ay nakokontak pa ito ng alas-8:00 ng gabi hanggang 10:00PM subalit bandang alas-10:54PM ay hindi na ito nagre-reply.
 
Marami rin ang nagtestimonya na si Gaspar Maneja Jr. alias “Jose Francisco Santos” ang huling nakasama ni Princess sakay ng  black Toyota Wigo with plate number EAE 2913.
 
Nabatid pa na ang suspek ay mayroong tatlong outstanding arrest warrants sa mga kasong RA 7610-Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. (Anti-Child Abuse Law); at Rape without bail.
 
Bukod sa Criminal complaints of Rape (R.A. 8353) with Homicide ay nahaharap din ang suspek sa Using Fictitious name & Concealing True Name) Article 178 of RPC sa  Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City Bulacan.