Pulis binaril sa ulo ng asawang pulis, patay

Patay ang isang 43-anyos na pulis nang pagbabarilin ng kanyang asawa na isa ring pulis sa loob ng garahe ng kanilang bahay na matatagpuan sa Savannah Green Plains, Brgy. Cuayan, Angeles City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni PMajor Dexter Ebbat, chief of police ng Angeles City Police Office (ACPO) ang biktima na si Police Chief Master Sergeant Jayson Mariano, miyembro ng PNP na nakatalaga sa City Investigation and Detection Management Unit ng ACPO, residente ng nasabing lugar.
Binubuhat ng mga tauhan ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO) ang duguang biktima na si Police Chief Master Sergeant Jason Mariano sa stretcher matapos barilin sa ulo umano ng kanyang asawang pulis din na si Police Staff Sergeant Karen Mariano sa loob ng kanilang garahe sa Brgy. Cuayan, Angeles City noong Pebrero 3. (Larawan mula sa ACPO)
Kinilala ang suspek na si Police Staff Sergeant Karen Mariano, 34, asawa ng biktima, miyembro rin ng PNP na nakatalaga sa Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Force Units sa Camp Olivas.
Lumabas sa imbestigasyon na noong gabi ng Pebrero 3, 2025 bandang 9:30PM, isang insidente ng pamamaril ang nangyari sa B20 L53 PH3, Savannah Green Plains, Brgy. Cuayan, Angeles City kung saan nakitang ipinapasok ng biktima ang kaniyang motor sa loob ng kanilang garahe namg biglang isang putok ng baril ang narinig mula rito.
Ayon sa kapitbahay na kinilalang si Voltaire Galarte, 46, may asawa, sa kanyang salaysay ay nakarinig siya ng malakas na putok at nang tingnan sa labas ay doon nakita ang biktima na walang malay at nakahandusay sa loob ng garahe na may dugo sa kanyang ulo habang isang baril ang nasa tabi nito.
Bumalik sa kanyang bahay ang saksi para kunin ang kanyang cellphone para tumawag ng pulis at pagbalik sa labas ay nakita niyang pinupulot ng suspek ang nasabing baril.
Ang iba pang mga kapitbahay ay humingi ng tulong sa pulisya na mabilis na nakaresponde at nagawang arestuhin ang suspek at narekober ang baril habang ang biktima ay isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang medikal na atensyon ngunit binawian din ng buhay ayon sa attending physician na si Dr. Kristine Maegan bandang 12:01 Pebrero 4, 2025.
Sinabi ni Maj. Ebbat na nagtamo ng tama ng bala sa likod ng kanang bahagi ng ulo ang biktima.
“Base sa initial n investigation allegedly may pinag dadanan na problema ang suspek we are still determining the cause,” sabi ni Ebbat.
Ang ginamit na baril base sa beripikasyon ay kumpirmadong service firearm ng suspek na cal. 9mm Gen 4 Glock 17 PNP Standard Issue kung saan nasa kustodiya na ng ACPO ang suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.