Pulilan section ng NLEX-Third Candaba Viaduct binuksan sa trapiko

PULILAN, Bulacan (PIA) — Bukas na sa trapiko ang Pulilan section ng bagong tayo na Third Candaba Viaduct ng North Luzon Expressway (NLEX).

 

Ito ang unang dalawang kilometro na binuksan para sa mga sasakyan na paluwas sa Metro Manila o nasa southbound lane. 

 

Pansamantala namang isinara sa trapiko ang katabi nitong southbound lane ng orihinal na Candaba Viaduct para isailalim sa rehabilitasyon.

 

Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, naibaon nang lahat ang 516 na mga pundasyon para sa proyektong Third Candaba Viaduct. 

 

Itinayo sa ibabaw nito ang 524 sa 528 na mga poste. Sa pagitan ng mga poste, nakagawa na ng 209 sa 286 na mga crossheads o ang kongkreto na kakalsuhan ng mga girders.

 

Aabot naman sa 665 mula sa kabuuang 1, 028 na mga girders ang naikalso na paglalatagan ng panibagong tatlong linyang kalsada ng naturang viaduct. 

 

Ang proyektong Third Candaba Viaduct ay bahagi ng pagpapatatag sa orihinal na istraktura ng Candaba Viaduct na nasa 50 taong gulang na.

 

Magsisilbi nang saligan ang ikatlong viaduct ng northbound at southbound viaducts na sumailalim kamakailan sa retrofitting at slab rehabilitation.

 

Kasing haba rin ng orihinal ang Candaba Viaduct ang ginagawang third viaduct na nasa 5-kilometro na tumatawid sa mga hangganan ng Pulilan, Bulacan at Apalit, Pampanga. 

 

Nagkakahalaga ng P8 bilyon ang proyekto na pinondohan ng NLEX Corporation na konsesyonaryo sa rehabilitasyon, pagpapalapad at pagpapahaba nitog expressway.

 

Taong 2022 nang aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang proyektong Third Candaba Viaduct. 

 

Nauna nang sinabi ni TRB Executive Director Alvin Carullo na target matapos ang proyekto sa Nobyembre 2024.

 

Ito ay upang magamit na sa inaasahang pagdagsa ng mga motorist at biyahero sa paparating na holiday season.