LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sabay-sabay nang umaangat ang progress rates sa tatlong phases ng konstruksiyon ng North-South Commuter Railway o NSCR System.
Ayon kay Ana Dominique Consulta, pinuno ng communication and community relations officer ng Department of Transportation o DOTr, umangat na sa 57% ang progress rate ng mga nagagawa para sa proyektong NSCR Phase 1 na dadaan sa ruta na mula sa Tutuban hanggang sa Malolos.
Ang karugtong nito sa hilaga na NSCR Phase 2 o kilala rin bilang Malolos-Clark Railway Project ay nasa 38% na ang progress rate. Ito ang proyekto bubuhay sa linya ng riles ng tren ng Philippine National Railways o PNR mula sa Malolos hanggang Clark International Airport Terminal 2.
Habang 31% progress rate sa sinisimulan nang South Commuter Railway Project ng NSCR na magmumula sa Solis hanggang sa Calamba.
Sa NSCR Phase 1, nakapaloob sa 57% ang mabilis na pagkakatawid ng NSCR viaduct sa apat na intersections gaya ng Malolos crossing, Dakila, Sta. Isabel at San Pablo sa Malolos.
Pinakamalaki rito ang pagkakalso ng double viaducts para sa magiging Malolos station na matatagpuan sa harapan ng bakuran ng Kapitolyo ng Bulacan.
Ginawa ang double viaducts dahil ito ang magsisilbing railway turn-out tracks kung saan makakalipat ng riles ang mga tren. Kapag nagsimula na ang operasyon ng NSCR sa adjusted target nito na taong 2024, ang mga tren na dumating sa Malolos station ay makakalipat sa kabilang riles na pabalik sa Tutuban.
Ang viaduct ay isang nakataas na istraktura kung saan ilalatag ang salubungang mga riles na dadaanan ng mga tren ng NSCR system. Idinisenyo ito upang malulan ang mga train sets na may walo hanggang sampung bagon ang uubrang magkakadugtong.
Kasabay nito ang pagtatayo ng mga gusali para sa magiging Guiguinto at Bocaue stations. Nakatawid na rin sa mga ilog ng Guiguinto at Balagtas ang viaduct ng NSCR Phase 1. Gayundin sa mga major intersections ng Tabe sa Guiguinto, Marilao at sa Meycauayan.
Kasama sa nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa 57% na progress rate ng NSCR Phase 1 ang pagkakakumpleto ng konstruksiyon ng Balagtas station nitong unang bahagi ng 2022. Habang tumawid na sa Bocaue-Santa Maria Diversion Road sa Bocaue ang viaduct ng NSCR.
Ang konstruksiyon ng mga istasyon sa Marilao at Meycauayan ay nagkakaroon na ng hugis. Iba pa rito ang paghahanda sa pagbabaon ng pundasyon para sa pagtawid ng NSCR viaduct sa Meycauayan river at Marilao-Meycauayan-Obando River System o MMORS.
Dumating naman sa ginagawang Depot ng NSCR Phase 1 sa hangganan ng Meycauayan at Valenzuela ang ikalawang train set na binuo sa Japan. Kabilang ito sa 13 train sets na may tig-walong mga bagon na magkakadugtong.
May habang 38 kilometro ang NSCR Phase 1 na isa sa mga pangunahing proyektong imprastraktura na ipinagpapatuloy at tatapusin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa ilalim ng Build-Better-More Infrastructure Program.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa P150 bilyon ang nagugugol sa proyektong NSCR Phase 1 kung saan nasa P93 bilyon ang ipinahiram na Official Development Assistance o ODA mula sa Japan International Cooperation Agency o JICA.
Para sa NSCR Phase 2, sinimulan na ang pagkakalso ng viaduct sa magiging Calumpit station. Matatagpuan ito na malapit sa panulukan ng Manila North Road at Pulilan-Calumpit Road, kung saan itinatayo rin ang Calumpit Sports and Convention Center at future site ng magiging bagong lokasyon ng munisipyo.
Sinabi ni Consulta, bahagi ito ng nasa 38% na progress rate o ang mga nagagawa sa proyekto na magsisilbing kauna-unahang airport train ng Pilipinas na may habang 53 kilometro.
Pinondohan ang NSCR Phase 2 ng Asian Development Bank o ADB sa halagang P286 bilyon para sa pagtatayo ng istraktura kung saan bahagi ang viaducts at mga istasyon nito. Habang may P201 bilyon naman ang ipinahiram ng JICA para sa pag-assemble ng mga bagon ng tren na gagamitin dito.
Sa kasalukuyan, nagsimula na rin ang paglalatag ng viaduct malapit sa Labangan Channel kung saan tatawid ito sa kabilang ilog upang makarating sa Malolos.
Dito ilalatag ang riles na dadaanan ng mga tren na bibiyahe mula Clark International Airport Terminal 2 patungo sa Malolos, Tutuban at Calamba kapag natapos ang proyekto sa taong 2028.
Kasabay nito, nagsimula na ring ikalso ang mga fabricated concrete girders para sa viaduct ng NSCR Phase 2 sa bahagi ng barangay Longos sa Malolos. Ikakabit ito sa viaduct NSCR Phase 1 sa bahagi na katabi ng Manila North Road at katapat ng Malolos City Hall.
Iniulat din ng DOTr na isa-isa na ring naitatayo ang mga poste ng NSCR Phase 2 sa tabi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX sa bahagi ng Mabalacat, Pampanga. Susundan ito ng pagtawid ng mga concrete fabricated girders para sa magiging viaduct nito sa ibabaw ng SCTEX.
Bahagi ang Phase 2 ng kabuuan ng 147 kilometro na proyektong NSCR System. Ibig sabihin, makakabiyahe ang 38 na trains sets na may tig-walong mga bagon mula sa Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna na dadaan sa lalawigan ng Bulacan at sa Metro Manila.
Kaugnay nito, nagsimula na ang pre-construction activities para sa 56 kilometrong South Commuter Railway ng NSCR na may 31% progress rate. Ito ang linya ng PNR na gagawing elevated o nakataas ang istraktura sa pamamagitan ng viaduct mula sa Blumentritt sa Maynila hanggang Calamba, Laguna.
May halagang P344.6 bilyon ang ipinahiram na pondo ng ADB para sa South Commuter Railway ng NSCR System na magkakaroon ng 18 mga istasyon na nasa Blumentritt, Espanya, Paco, Sta. Mesa, Buendia, EDSA, Nichols, FTI, Bicutan, Sucat, Muntinlupa, Alabang, San Pedro, Pacita, Binan, Santa Rosa, Cabuyao, Banlic at Calamba.
Target makumpleto ang proyekto at magsimula ang operasyon nito sa taong 2029.
Magkakaroon naman ng interlink o pagkakabit ang NSCR system sa ginagawang Metro Manila Subway Project sa bahagi ng FTI sa lungsod ng Taguig na pinopondohan din ng JICA.
Ikakabit din ang NSCR System sa PNR South Long Haul Project na magsasagawa ng modernisasyon sa riles mula Calamba, Laguna hanggang sa Matnog, Sorsogan na isinusulong na mapondohan ng China.
Samantala ayon naman kay Erwin James Caluag, project development officer ng Public-Private Parntership o PPP Center, kabilang ang NSCR system sa isasailalim sa PPP kapag natapos at magsisimula na ang operasyon ito.
Nakatakdang ipaubaya sa kwalipikadong pribadong konsesyonaryo ang operation at management ng NSCR bagama’t mananatili pa ring pag-aari ng pamahalaan.