PRO3, PINALALAKAS ANG UGNAYAN NG PULISYA AT KOMUNIDAD SA ILALIM NG CASSN

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Bilang tugon sa patuloy na pangangailangan para sa inklusibo, maagap, at makataong serbisyo mula sa kapulisan, at alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang presensya ng pulisya sa mga komunidad, pormal na inilunsad ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang Community Assistance, Safety, and Support Network (CASSN) noong Hunyo 19, 2025, sa Police Station 4 ng Angeles City Police Office (ACPO), Lungsod ng Angeles, Pampanga.
 
Pinangunahan ang makabuluhang aktibidad ni PBGEN Jonas T. Amparo, Executive Officer ng Directorate for Police Community Relations (DPCR), kasama si PLTCOL Joel M. Usman, Deputy Chief ng Regional Community Affairs and Development Division 3 (RCADD3). Katuwang din sa paglulunsad ang pamunuan ng ACPO sa pangunguna ni PLTCOL Chito Macaspac, OIC, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor, kabilang sina G. Mariano Chua (Pangulo, Angeles Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.), G. Choi Jong Pill (Presidente, Angeles Korean Association), G. Timothy Crowford (Commander, American Legion), at G. Kim Si Jung (Presidente, FNKN–Angeles City).
 
Ipinakita sa naturang aktibidad ang aktibong pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan—isang patunay ng pagkakaisa para sa mas inklusibong serbisyo, paggalang sa magkakaibang kultura, at pagtataguyod ng kaligtasan at pagkakaisa sa mga pamayanan ng Angeles City.
 
Ang CASSN ay pangunahing inisyatiba ng PNP na may temang “Building Trust and Safety Through Inclusive Policing.” Layunin nitong patatagin ang ugnayan sa pagitan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng kultura-sensitibong serbisyo, mas mabilis na police assistance, at bukas na komunikasyon sa lahat ng sektor—lokal man o banyagang residente.
 
Isa sa mga tampok ng aktibidad ang seremonyal na pagpirma sa CASSN Pledge of Commitment and Support, na sumisimbolo sa matibay na pangako ng pulisya at komunidad na itaguyod ang dignidad, karapatan, at kaligtasan ng bawat isa. Sa panatang ito, muling pinagtibay ng mga kalahok ang kanilang layunin na maging katuwang ng PNP sa pagbuo ng isang ligtas, makatao, at matatag na lipunan.
 
Ayon kay PBGEN Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, “Ang CASSN ay hindi lamang isang mekanismo ng serbisyo kundi isang panata ng pagtutulungan. Sa pamamagitan nito, pinapalakas natin ang tiwala ng komunidad sa pulisya at pinatatatag ang ating kakayahan na maghatid ng ligtas, pantay, at may malasakit na serbisyo.”
 
Dagdag pa niya, “Tinitiyak namin sa ating mga kababayang Filipino-Chinese at iba pang mga banyagang komunidad na ang inyong kapulisan ay tapat sa tungkuling ipagtanggol ang inyong mga karapatan at siguraduhin ang inyong seguridad. Mananatili kaming mapagmatyag upang kayo ay maprotektahan laban sa lahat ng anyo ng kriminalidad.”
 
Binigyang-diin din ni PBGEN Fajardo ang paninindigan ng PRO3 sa kanilang sinumpaang tungkulin na magsilbi sa publiko sa paraang mabisa, epektibo, at makatao.
 
“Ang inyong kapulisan ay patuloy na maglilingkod para sa isang ligtas, panatag, at mas maunlad na lipunan,” pagtatapos niya.