Naglabas ng marching order si Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Juanito Victor Remulla sa Kapulisan sa Gitnang Luzon na buwagin at hulihin ang lahat ng leader at miyembro ng gun for hire kabilang na ang mga organized syndicate at private armed groups sa buong rehiyon simula ngayon hanggang sa Marso 2025 bago ang national at local elections.
Ito ang ipinag-utos ni Remulla kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGen Redrico A. Maranan sa kaniyang pagbisita sa Camp Captain Julian Olivas sa City of San Fernando, Pampanga noong Biyernes, October 18, 2024.
Ito ang unang pagbisita ng Kalihim sa hanay ng Kapulisan sa mga rehiyon.
“Our fight against private armed groups must be relentless. I urge the PRO3 to double their efforts to dismantle these groups that undermine peace and stability in our region,” wika ni Remulla.
Dagdag ng Kalihim na dapat aniyang masiguro ang kaligtasan ng sambayanan at hindi kailan man maaapektuhan ng impluwensiya ng mga lawless elements kung saan nangako naman si Maranan na tutugon ang PRO3 sa derektiba ng Kalihim.
“We stand ready to fulfill our mission of dismantling private armed groups and maintaining the peace in Central Luzon. The support and guidance from our leaders strengthen our resolve to serve and protect the people,’ paniniyak ni Maranan.
Ang derektiba ay base na rin sa isinagawang back track ng PNP kung saan ay maraming reported na shooting incident sa Central Luzon kaya naman ang PRO3 ay paiigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng ilegal na aktibidades sa buong rehiyon.
Pinuri rin ni Remulla ang PRO3 sa agarang pagkaresolba ng Lulu double murder case kung saan ay naaresto ang pitong suspek kabilang na ang mastermind sa krimen.