Bumaba na sa 1,696 ang bilang ng mga nakapiit sa Bulacan Provincial Jail (BPJ) buhat sa dati nitong mahigit 4,000 na preso ayon kay Gob. Daniel R. Fernando ng i-anunsiyo niya ito sa isinagawang obserbasyon ng pagbubukas ng 5 Pillars of Criminal Justice System sa Bulacan na ginanap Capitol Gymnasium sa Malolos nitong Lunes, Agosto, 8, 2022.
Sa report ni Provincial Jail Warden Retired Col. Marcos Rivero sa gobernador, ang nasabing bilang ng mga detinido ay mula sa higit 4,000 persons deprived of liberty o PDL na nakapiit sa Panlalawigang Piitan noong kasagsagan ng pandemya.
Ani Rivero, inatasan siya ni Fernando na sikaping maiayos ang naturang pasilidad, gayundin ay gumaang ang sitwasyon sa loob ng piitan.
Kaisa ng 5 Haligi ng Kataraungan, sinikap nila Fernando na mapaluwag ang piitan kung saan daan-daang sentensyado ang pinagsumikapang mailipat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa; pagpapatupad ng Drug Dependency Exam na daan para mag-plea bargain ang isang drug suspect o umamin sa nagawang kasalanan kapalit ng mas magaan na sentensiya, pagpapatupad ng E-dalaw at iba pa.
Anang gobernador, dadagdagan din ang mga kompyuter at mas higit na pabibilisin ang internet connection sa BPJ bilang pagtugon sa hamon ng modernong teknolohiya tungo sa ’new normal’.
Nagtagubilin din si Fernando sa mga kapulisan na paigtingin ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat Bulakenyo kung saan hiniling niya na palakasin ang checkpoint sa mga nagmomotorsiklo upang makontrol ang mga posibleng krimen sa pagpatay.
Samantala, may temang “FACTA, NON VERBA: REIMAGINING CRIMINAL JUSTICE IN THE MIDST OF ADVERSITY”, layunin ng obserbasyon ngayong taon ang patuloy na pagtitiyak sa kamulatan ng mga Bulakenyo sa mga hamon at pinakabagong kaunlaran sa kasalukuyang batas at hurisprudensiya.
Pinagkalooban ng sertipiko ng pagpapahalaga at pagkilala at token sina Executive Judge Olivia Escubio-Samar ngRegional Trial Court Bulacan, PNP Acting Bulacan Provincial Director PCOL Charlie Cabradilla, Provicial Prosecutor Ramoncito Bienvenido Ocampo, Jr. na kinatawan ni Senior Assistant Prosecutor Mark Mendoza, pinuno ng Bulacan Public Attorney’s Office Abgd. Kristine Kay David- Manuel, mga pinuno ng Office of the Parole and Probation Administration Isagani Villena at Cesar Lopez at Provincial Jail Warden Col. Rivero na kinatawan ni Retired Col. Rizalino Andaya para sa kanilang mahahalagang mga ambag sa pagpapatupad ng 5 Haligi ng Katarungan.
Gayundin, kabilang sa nakalinyang gawain ang pagsasagawa ng tree planting na lalahukan ng may 200 rangers sa Agosto 9 sa First Scout Ranger Regiment, Camp Tecson, San Miguel bilang pagprotekta sa likas na yaman at kapaligiran sa lalawigan at Lecture-Seminar on Human Rights Law kung saan tatalakayin ang paksang Fundamental Concepts of Human Rights at Bill of Rights ni Kernell Sonny Salazar at Arrest and Search and Seizure ni Abgd. Al Joseph Javier.