CAMP Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Personal at mismong si Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kasama ang mga kapulisan ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang nagpasara sa isang establisyimento ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Angeles City nitong Sabado ng hapon, Setyembre 18, 2022.
Kasunod ng isinagawang operasyon ay na-rescue sa POGO establishment ang nasa 43 foreign nationals na sinasabing napilitang mag-trabaho rito.
Kasama ni Abalos si PRO3 Regional Director PBGen Cesar Pasiwen at iba pang police officials nang salakayin ng mga ito at tuluyang ipasara ang Lucky South 99 Outsourcing Inc. na matatagpuan sa Fil-Am Friendship Highway, Angeles City.
Ayon sa DILG, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing POGO company kung ito ay sangkot o may kaugnayan sa human trafficking syndicate na pangunahing target ay mga Chinese at iba pang foreign nationals.
Dagdag ni Abalos, nagsasagawa na rin ng follow-up operations ang otoridad upang malaman kung mayroon pang katulad na kaso sa ibang mga POGO companies sa Angeles City.
Pinuri naman ni SILG Abalos ang PNP partikular na ang Anti-Kidnaping Group (AKG) sa mabilisang aksyon nito wala pang 12-oras mula nang makatanggap ng impormasyon.
Samantala, sinabi ni Pasiwen na ang Central Luzon police ay patuloy na pinaiigting ang kanilang intelligence efforts kaugnay sa mga napapaulat na pagdukot at human trafficking na kinasasangkutan ng mga POGO sa Region 3.