LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Hindi lang mga taga lungsod ng San Jose Del Monte ang lalahok sa gaganaping plebisito para sa pagiging isang Highly-Urbanized City o HUC.
Sa Resolution No. 10949 ng Commission on Elections o COMELEC na inilabas ni Consuelo Diola, director IV ng Office of the COMELEC Secretary, pangunahing isinasaad na ang plebisito ay idadaos sa buong lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Abogada Mona Ann Aldana-Campos, provincial election supervisor ng COMELEC-Bulacan, gaganapin ang nasabing plebisito sa mismong araw n Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Oktubre 30, 2023 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Ibig sabihin, kung saan ang presinto ng BSKE ay doon din ang plebisito.
Tatlong balota ang ibibigay sa bawat isang rehistradong botante na boboto. Ang unang balota ay para sa pagboto ng mga opisyal ng mga pamahalaang barangay mula sa kapitan hanggang sa mga kagawad. Para naman sa mga ibobotong SK chairman at mga SK kagawad ang ikalawang balota.
Habang ang ikatlong balota ay para sa plebisito kung saan may nakasaad na “Pumapayag ka ba na ang Lungsod ng San Jose Del Monte, Lalawigan ng Bulacan ay gawing isang ‘Highly-Urbanized City’?” May isang patlang na nakalagay pagkatapos nitong pangungusap.
Ang mga salitang ‘Yes’ o ‘Oo’ ang tatanggapin ng COMELEC na sagot kung pabor maging isang Highly-Urbanized City ang San Jose Del Monte. Kung ayaw o hindi sang-ayon, maaaring isagot ang mga salitang ‘No’ o ‘Hindi’.
Papayagan ng COMELEC na makapagsagawa ng mga ‘Pulong-pulong’, opisyal na salitang ibinigay ng komisyon, isang beses kada isang barangay. Maaari itong gawin sa 573 na mga barangay ng Bulacan mula Oktubre 19 hanggang 28, 2023.
Kaugnay nito, pormal nang pinasimulan sa lungsod ng Malolos ang kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte tungo sa pagiging Highly-Urbanized City. Pinangunahan ito nina San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes at Malolos City Mayor Christian Natividad sa ginanap na lingguhang pagtataas ng watawat sa harapan ng bagong Malolos City Hall.
Ipinaliwanag ni Mayor Robes na bagama’t hihiwalay ang lungsod sa Bulacan sa aspetong pulitikal, mananatili pa rin itong bahagi ng lalawigan sa larangan ng heograpiya at pagiging Bulakenyo ng mga tagarito.
Tiniyak din niya na palaging tutulong ang pamahalaang lungsod, bilang isang Highly-Urbanized City, sa 20 mga bayan at tatlong lungsod ng Bulacan sa iba’t ibang larangan ng pangangasiwa sa pamahalaang lokal at sa ugnayang pang-ekonomiya.
Taong 2020 nang naglabas ng Proclamation 1057 si noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagdedeklara sa lungsod ng San Jose Del Monte bilang isang Highly-Urbanized City. Pumasa ito sa itinakdang pamantayan ng Department of Interior and Local Government o DILG.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng 760 libong populasyon na higit pa sa doble ng kailangang 200 libong populasyon. Nakakapagtalaga ang lungsod ng San Jose Del Monte ng kita na nasa P1 bilyon na malayo sa rekisitong P50 milyon taun-taon.
Samantala, nagpahayag ng pagsuporta si Malolos City Mayor Christian Natividad na maging Highly-Urbanized City ang lungsod ng San Jose Del Monte. Aniya, makikinabang din ang mga bayan at lungsod na mananatili sa Bulacan dahil ang pondo na dating nailalaan sa nasabing lungsod ay mapaghahatian sa iba pang bahagi ng lalawigan.