PLARIDEL, Bulacan – Target ng Department of Health o DOH na matapos ang konstruksiyon ng Plaridel Super Health Center sa Disyembre 2023.
Sa ginawang inspeksiyon at topping-off ceremony na pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, chairman ng Senate Committee on Health, naiulat ng ahensiya na nasa 50% hanggang 60% na ang nagagawa sa istraktura ng magiging Super Health Center na itinatayo sa barangay Sto. Nino sa barangay na ito.
Ayon kay Engr. Fernando Guanzon, chief administrative officer ng DOH-Region III, may halagang P12 milyon ang inilaan ng DOH para sa proyektong ito sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program o HFEP ng ahensiya.
Sa loob ng nasabing halaga, P10 milyon ang ginugugol sa mismong isang palapag na istraktura na may laking mahigit 400 square meters ang floor area. Habang P2 milyon naman ang inilaan para sa mga kailangang kasangkapan at kagamitan dito.
Kinapapalooban ang Plaridel Super Health Center ng inisyal na mga pasilidad para sa panganganak, minor surgical, dental, pharmacy, laboratory at ward.
Sinabi ni Plaridel Mayor Jocell Vistan-Casaje na ang Plaridel Super Health Center ay itinatayo sa nasa dalawang ektarya na donasyong lupa ng isang real estate firm sa Pamahalaang Bayan ng Plaridel.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Senador Go na sadyang itinatayo ang mga Super Health Centers na may malalapad na espasyo o lote upang uubra pang mapalaki ang pasilidad kung kakailanganin sa hinaharap. Nakahanda rin aniya ang mga pundasyon nito upang uubrang mapatungan ng isa pang palapag sa itaas.
Sa oras na makumpleto ang konstruksiyon at kagamitan, isasalin na ng DOH ang kapangyarihan at pananagutan sa pamahalaang lokal upang mapamahalaan, mapangalagaan at mas mapabuti ang pasilidad na ito.
Samantala, kabilang ang Plaridel sa 14 na mga bayan at lungsod sa Bulacan na pinatayuan ng DOH ng mga Super Health Centers. Kabilang dito ang San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Angat, Marilao, Obando at Paombong na pinondohan ng Pambansang Badyet ng 2023. Nakapagtayo na rin nito noong 2022 sa San Miguel, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Pandi at sa San Jose Del Monte.