Pilot instructor, trainee ligtas sa emergency landing incident sa Bulacan

Nakaligtas sa posibleng kamatayan ang isang pilot instructor at ang kanyang trainee matapos silang sapilitang mag-emergency landing sa isang madamong bukirin sa Barangay Lalangan, Plaridel, Bulacan, Miyerkules ng umaga.
Napilitan ang PA 38 Tomahawk (2 seater training plane) na mag-emergency landing sa madamong bukid matapos biglang huminto ang makina ng eroplano habang nasa kalagitnaan ng flight training sa Barangay Lalangan, Plaridel, Bulacan nitong Miyerkules ng umaga. Parehong nakaligtas sa insidente ang pilot instructor at ang kanyang trainee. (Larawan sa kagandahang-loob ng Bulacan PPO)
Nangyari ang nasabing landing Incident ng PA 38 Tomahawk (2 seater training plane) bandang 9:30AM nang biglang huminto ang makina ng eroplano habang nasa kalagitnaan ng flight training.
Kinilala ang Pilot Instructor na si Velentine Bartolome, 50, binata at residente ng BF Homes Almanza Dos Antipolo, City at ang pilot student ay si David John Cayaban, 25, binata at residente ng 23 Mill Florez Drive Las Piñas City.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ayon sa piloto, nag-take off sila bandang 9:15 AM sa Flight Line (Flying school) sa Brgy. Lumang, Bayan, Plaridel, Bulacan.
Na habang nasa kalagitnaan ng pagsasanay sa paglipad ay napag-alaman ng Pilot Instructor na biglang huminto ang makina ng nasabing eroplano (diumano’y engine failure).
Dahil dito ay napilitan ang piloto na gamitin ang grass field bilang emergency landing.
Kapwa ligtas naman ang mga biktima bagamat sumadsad ang eroplano sa madamong bahagi ng bukid sa nasabing lugar.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang CAAP security Intelligence service.