KINILALA kamakailan ng National Economic Development Authority (NEDA) ) Region 3 bilang “Most Outstanding Covid-19 Volunteer Group” regional level sa buong rehiyon ng Central Luzon ang Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan (PILAK) sa Pandi, Bulacan.
Nauna rito ay ginawaran din ng Bulacan Provincial Government ang PILAK ng “Gawad Galing Barangay” bilang natatanging volunteer group sa buong lalawigan.
Ang nasabing mga pagkilala at parangal ay iginawad sa PILAK dahil sa kanilang hindi matatawarang galing at dedikasyon sa serbisyo bilang katuwang ng pamahalaang lokal ng Pandi.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ang PILAK Pandi ay kaagapay na ng lokal na pamahalaan mula pa nang ito ay mabuo taong 2010 sa ilalim ng noo’y pangulo na si Maricel Santiago hanggang ngayon sa pangunguna naman ni current president Baby Jacques.
“Pinaka-importante ay ang kanilang naging papel buhat nang mag-pandemiya kung saan sila ay naging katuwang at kaagapay sa pagbangon ng ating mga frontline health workers at lokal na pamahalaan ng Pandi para labanan ang Covid-19,” wika ni Roque.
Lubos din ang ipinaaabot na pasasalamat ng alkalde sa buong PILAK Pandi officers and members sa kanilang boluntaryong pagtulong sa pamahalaan sa gitna ng pandemiya.
Nabatid na ang PILAK ay itinatag at nagsimula sa 22 miyembro ng kababaihan lamang pero ngayon ay umabot na ito sa mahigit 9,800 na kasapi at patuloy pang nadadagdagan.
“Sa inyong pagpapatuloy sa pagiging kasama at katuwang ko, alam ko na kahit ano mang pagsubok ang sa inyo’y dumating, malalampasan ninyo ito. Tandaan ninyo sa lahat ng aking kabiguan at tagumpay ay kasakasama ko kayo na bumangon at lumaban upang magpatuloy na maglingkod sa ating bayan,” ani Roque.