MULING binatikos ni Senador Pia Cayetano ang industriya ng tabako dahil sa aniya’y pagbibigay-priyoridad nito sa kita kaysa sa kalusugan ng publiko.
Ito ay kasunod ng paghimok ng Philippine Tobacco Institute (PTI) sa Senado sa isang pagdinig na babaan ang buwis na ipinapataw sa sigarilyo para masolusyunan umano ang dumaraming kaso ng smuggling ng tobacco products.
Sa kanyang opisyal na pahayag na inilabas nitong January 9, 2025, pinuna ni Cayetano ang aniya’y walang tigil na pangdidiskaril ng tobacco industry sa mga batas na pumoprotekta sa kapakanan ng publiko.
“It never fails to amaze me how the tobacco industry keeps finding ways to prioritize profit over public health,” wika ni Cayetano.
“After weakening regulations on vaping, now they want to backtrack on sin taxes? It’s the same playbook — delay, distract, and derail progress,” dagdag niya.
Matagal nang itinataguyod ni Cayetano ang pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon sa tobacco products sa bansa. Kabilang dito ang pagpataw ng mataas na buwis sa sigarilyo at paghihigpit sa vape upang mailayo ang mga Pilipino sa nasabing bisyo, lalo na ang kabataan.
Nito lang nakaraang taon, sa isang pagdinig na kanyang pinamunuan bilang kauna-unahang babaeng Chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, tinuligsa rin ni Cayetano ang tobacco industry.
Nakatanggap na naman kasi ang Pilipinas ng “Dirty Ashtray” award sa ikalimang pagkakataon, isang award na ibinibigay ng international health advocates sa mga bansang madaling maimpluwensyahan ng pagla-lobby ng tobacco industry.
“Why would we want our Philippine delegation associated with a Dirty Ashtray award? Why would we want to be known as succumbing to the lobby of the tobacco group?” pahayag niya.
Sa kanyang opisyal na pahayag, mariing pinuna ng senador ang gawaing ito ng tobacco industry, kung saan nagtutulak sila ng mga polisiyang magpapahina sa sin taxes at sa mga umiiral na regulasyon sa alternative nicotine products.
Babala niya, hindi lang ang kalusugan ng publiko ang nilalagay nito sa alanganin kundi pati ang kakayahan ng gobyerno na pondohan ang maraming serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng sin tax.
“Let me be clear: public health is not negotiable,” aniya.
“We do not allow tobacco lobbies to dictate upon us,” dagdag niya.
Sa harap aniya ng walang humpay na pagsisikap ng industriya ng tabako na pahinain ang mga polisiyang pangkalusugan, sinabi ni Cayetano na kailangang manatiling mapagmatyag ng gobyerno.