PGB suportado ang Project S.A.S.A. ng mga estudyante ng BulSU

SUPPORTING LOCAL SASA FARMERS. Tinanggap ni Abgd. Jayric L. Amil, Puno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), kasama ang mga kawani ng tanggapan, ang sertipiko ng pagpapahalaga mula sa mga estudyante ng ikaapat na taon ng Broadcasting ng Bulacan State University-College of Arts and Letters na na nag-organisa ng Project S.A.S.A. (Strengthening Amplification and Support for Authentic Sukang Paombong) sa pamumuno ni Project Manager Zharimaine Espino, bilang pagkilala sa kanyang suporta sa inisyatiba na itaguyod ang authentic na Sukang Paombong na ginanap noong Marso 6, 2026, sa Bubog na Munti Covered Court sa Barangay San Isidro II.

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang ipreserba ang isa sa mga tatak Bulakenyong produkto, sinuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office ang paglulunsad ng Project S.A.S.A.  (Strengthening Amplification and Support for Authentic Sukang Paombong) kamakailan sa pangunguna ng mga estudyante na nasa ikaapat ng taon ng Broadcasting sa Bulacan State University na ginanap sa Bubog na Munti Covered Court sa Brgy. San Isidro II, Paombong.

 

Sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando, nangako si Abgd. Jayric L. Amil, puno ng PCEDO, na tutulong sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng lokal na gawang suka ng Paombong.

 

“Ibinilin po sa amin ni Gob. Daniel R. Fernando, kasama po ang mga heads ng PHACTO at Provincial Agriculture Office na mas palakasin po at mas buhayin ang industriyang ito. Kami po sa PCEDO ay nakahandang tumulong sa inyo sa pamamagitan po ng product development, o kung gusto n’yo pong magpagawa ng label, mga training, at mga financial assistance. Kaya huwag po kayo mahiyang lumapit sa amin sa PCEDO, nakahanda po kaming tumulong,” ani Abgd. Amil.

 

Ang Project S.A.S.A. ay isang community-based na inisyatiba na naglalayong itaguyod at pangalagaan ang tunay na Sukang Paombong; habang binibigyang-diin ang mga kwento at kontribusyon ng mga local sasa farmers na ang kabuhayan ay nakasalalay sa tradisyunal na paggawa ng sasa na ginamit sa paglikha ng kilalang lokal na suka.

 

Ayon kay Zharimaine Espino, Project Manager ng Project S.A.S.A., nabuo ang konsepto ng proyekto matapos matukoy ang pangangailangang palakasin ang mga boses ng local producers na patuloy na itinataguyod ang tradisyon ng paggawa ng tunay na Sukang Paombong.

 

Nilalayon din ng aktibidad na suportahan ang pormalisasyon ng Sasahan Association, isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng organisasyon ng local producers at pagtiyak sa sustainability ng industriya na matagal nang naging bahagi ng kultura at pang-ekonomiyang pagkakakilanlan ng Paombong.

 

“Inaasahan po namin sa pagkakaroon ng samahang ito na magkaroon po ang mga magtutuba ng access sa direct market. At the same time po, sa pagkakaroon ng association ay mapapatatag po natin ‘yung promotion ng produkto, hindi lamang po ang Sukang Paombong kundi pati ang local producers nito, ang mga nagsasasa, nagtutuba, at mga nagsusuka,” ani Espino.

 

Sa pamamagitan ng Project S.A.S.A., nilalayon ng mga estudyanteng organizer na pagyamanin ang mas malalim na pagpapahalaga sa tunay na Sukang Paombong habang binibigyang kapangyarihan ang local producers na mapanatili ang tradisyong lumang henerasyon.