COTABATO CITY—Nagtulungan ang Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL) –
Philippines at ang Schools Division Office of Cotabato City (SDOCC) upang maibilang ang 12 peace
education lessons sa curriculum ng basic education na tutugon sa espesyal na pangangailangan at
adhikain ng mga batang mag-aaral ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
(BARMM).
May anim na section ng Bangsamoro Education Code at ng Bangsamoro Organic Law na nagsasabing
ipatupad ang peace education, kabilang na dito ang Section 55 kung saan isinasaad na ang araling
pangkapayapaan ay nagsisilbing mahalagang bahagi ng basic education curriculum upang maitatak
ang kulturang walang karahasan at katarungang panlipunan, paggalang sa karapatan ng bawat isa,
kalayaan at pagiging kabilang sa isipan ng mga mag-aaral.
Nagbunga ang pagtutulungan sa pag-apruba at quality assurance ng 203 lesson plans matapos ang
una at ikalawang bahagi ng Division Workshop on the Contextualization of HWPL Peace Education for
Mindanao na ginanap nitong Nobyembre 22-24 at Disyembre 11-14, 2023.
May kabuuang 27 manunulat na kinabibilangan ng mga guro ng Grade 1-12 mula sa iba’t ibang
paaralan ang nagsulat para sa Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapakatao. Kinailangang
pagsamahin ng mga manunulat ang 12 Peace Education Lessons at Most Essential Learning
Competencies (MELC). Sinuri ang mga natapos na lesson plan ng 17 evaluators na kinabibilangan ng
mga Education Program Supervisors at mga punong-guro ng SDOCC sa pangunguna nina Schools
Division Superintendent Dr. Concepcion Ferrer-Balawa at Curriculum Implementation Division Chief
Dr. Pancho Balawag upang matiyak na ang mga ito ay hindi lamang komprehensibo kundi sukat sa
pangangailangan ng mga mag-aaral ng Bangsamoro.
Ayon kay Dr. Ruby S. Buhat, Assistant Principal ng Sero Central High School at isa sa mga evaluator,
hindi naging madali ang paggawa ng mga ito. “From the start, we had a hard time intermarrying our
12 [Peace Education] lessons into the MELC, but then, we were able to find ways through the pre-
work activity we held at Cotabato City National High School—the contextualization matrix
preparation. So, our writers are guided, and it was easier this time than our first time in 2019.”
“We (evaluators) are more motivated because we can see their efforts and hard work. They are
motivated to do their work so that their outputs will be implemented and used in the field for the
peace education integration,” dagdag pa niya.
Nagbigay naman ng mensahe si Dr. Reynaldo Bodaño, Grade 9 Teacher mula sa Cotabato City
National High School–Main Campus, para sa mga kapwa guro, “Ang mensahe ko po sa mga guro na
gagamit sa mga approved DLP (daily lesson plans), nawa’y kayo din ay maging kabahagi sa sunod na
writeshop para ma-appreciate n’yo nang husto ang workshop na ito. Dito po ay marami kaming
natutunan kung paano namin iintegrate ang mga konsepto hango sa lessons ng HWPL.”
Ang pagtulungan ng SDOCC at HWPL ay nagsimula pa noong 2019 na isang tanda ng pangmatagalang
kolaborasyon upang mapagbuti pa ang balangkas ng edukasyon. Nagresulta ito ng kauna-unahang
Peace Education Workshop para sa 85 guro, espesyalista at punong-guro mula sa 55 pribado at
pampublikong paaralan noong Enero 2020. Ang partnership ay pormal na naisakatuparan noong
Pebrero 7, 2020 sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement, at ito ay ni-
renew nitong Agosto 25, 2023 matapos ang pandemya.
Ang susunod na bahagi ay ang practical application ng mga lesson plan. Mula sa Enero 8-10, 2024,
magkakaroon ng pilot testing sa tatlong piling paaralan upang masuri ang pagiging epektibo nito sa
loob ng silid-aralan. Pagkatapos nito, ilulunsad ang mga lesson exemplars sa Enero 24 sa National
Peace Education Convention.