PCEDO, binuksan ang ikalawang bahagi ng Tatak SingkabanTrade Fair 2025

LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal na binuksan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang ikalawang bahagi ng Tatak Singkaban Trade Fair 2025 noong Lunes, Setyembre 8, sa tapat ng Regional Trial Court Building sa loob ng Provincial Capitol Compound dito.

Mula sa 50 kalahok na micro at small enterprises (MSEs) noong unang bahagi ng trade fair noong Agosto 31 hanggang Setyembre 4 sa Robinsons Place Malolos, umabot na ngayon sa 82 ang kabuuang bilang ng mga kalahok at magpapatuloy hanggang Setyembre 14 mula 10:00 NU hanggang 7:00 NG.

Bida sa trade fair ang iba’t ibang lokal na produkto mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, tampok ang pinakamahuhusay na produktong Bulacan gaya ng chicharon, kakanin, inumin, frozen goods, sariwang ani, buntal hats, bags, at marami pang iba.

Inaanyayahan ni Abgd. Jayric L. Amil, puno ng PCEDO, ang mga Bulakenyo na suportahan ang mga lokal na produkto ng lalawigan, dahil naniniwala siyang ito ay isang paraan ng pagdiriwang ng kultura, pamana, at tradisyon ng Bulacan.

“Ang matagal nang inaasahang kaganapang ito ay tampok ang pinakamahusay mula sa MSEs ng Bulacan, na nagpapakita ng kakaibang mga produkto na sumasalamin sa talento, pagkamalikhain, at diwa ng pagnenegosyo ng mga Bulakenyo,” dagdag pa niya.

Dumalo rin si Department of Tourism Undersecretary Ferdinand C. Jumapao sa ribbon cutting ceremony bilang suporta sa sektor ng turismo ng lalawigan.

Si Jumapao rin ang dumalo sa grand opening ng Singkaban Festival 2025 sa Bulacan Capitol Gymnasium bilang panauhing pandangal sa ngalan ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.

Samantala, nangako si Gobernador Daniel R. Fernando na ipagpapatuloy ng kaniyang administrasyon ang pagbibigay-suporta sa lahat ng lokal na negosyante sa lalawigan, dahil naniniwala siyang napakahalaga ng kanilang papel sa pagpapalago ng turismo at ekonomiya ng Bulacan.

“Patuloy po nating ibibigay ang suporta na kailangan ng ating mgalokal na negosyo, dahil naniniwala tayo na ang kanilang papel ay napakahalaga upang mapalakas pa ang magandang estado ng turismoat ekonomiya sa ating lalawigan,” ani Fernando.