LUNGSOD NG MALOLOS – Sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang inirekomenda ni Gob. Daniel R. Fernando na karagdagang mga water reservoir at water impoundingarea sa Lalawigan ng Bulacan bilang isa sa mga pangmatagalang solusyon na nakikita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang mabawasan ang pagbaha sa isinagawang Situation Briefing kasama ang mga piling Regional Line Agencies sa Mariano Ponce Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kahapon.
Iminungkahi ni Fernando ang karagdagang water reservoir at water impounding areas sa mabababang lugar bilang isa sa mga aksyong pasulong ng Pamahalaang Panlalawigan bukod sa emergency response nito na paghuhukay ng mga ilog at sapa.
“Aside from the Bayabas Reservoir, we respectfully recommend for the additional water reservoir situated in the higher grounds. And as additional precaution, we also recommend the construction of water impounding areas similar to La Mesa Dam. This is to hold the excess water coming from the uplands to avoid overflowing of rivers that might cause flooding. Moreso, the collected waters from the impounding areas can be used latter easily for irrigation purposes,” anang gobernador.
Pinaboran naman ni PBBM ang rekomendasyon at sinabi na ang mga iminungkahing pangmatagalang solusyon ni Fernando para sa lalawigan ay tumutugma sa mga plano ng pamahalaang nasyunal.
“Itong dredging, iyan ang emergecy response natin so kailangan pa rin talaga gawin para at least lumalim ng kaunti ‘yong ilog. But it is not a permanent solution dahil babalik din ‘yong siltation eh. But I think you have identified the better way, the water reservoirs and water impounding areas in the low lands. Iyon ang aming talagang pinaplano,” ani PBBM.
Sa kaniyang ulat sa Pangulo, unang tinukoy ni Fenando ang mga pangunahing dahilan na nagdudulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan na kinabibilangan ng urbanisasyon at konstruksyon ng mga pribadong imprastraktura; saturated land dulot ng matinding pag-ulan; kawalan ng masterplan at disenyo sa pagtatayo ng mga drainage; at ang patuloy na konstruksyon ng Manila North Rail Transit.
Iniulat rin ng gobernador ang kasalukuyang estado ng iba’t ibang sektor sa Bulacan kung saan may kabuuang P768, 671,475 halaga ng mga nasira sa agrikultura, pangisdaan, paghahayupan, poultryat imprastraktura dulot ng pagbaha at pananalasa ng Habagat na pinalakas ng mga Bagyong Egay at Falcon.
Tinawag din ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang atensiyon ng Philippine National Railway hinggil sa kasalukuyang konstruksyon ng PNR Line sa lalawigan na nag-aambag sa mas matagal na pagbaha sa mga bayan ng Marilao, Santa Maria at iba pang lugar dahil sa nabarahan ang ilang drainage system sa lalawigan nang sinimulan ang konstruksyon nito.
Kaugnay nito, isinusulong rin ni PBBM ang paglikha ng Water Resources Management Office sa ilalim ng Office of the President na siyang naatasang mamuno sa konserbasyon at matalinong paggamit ng tubig bilang mahalagang agricultural resources sa komunidad ng mga magsasaka.