Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang isang malawakang kampanya na layuning linisin at alisin ang mga bara sa mga daluyan ng tubig at drainage sa Metro Manila at mga karatig-lugar upang mabawasan ang panganib ng biglaang pagbaha tuwing malalakas ang ulan.
Pinangunahan ng Pangulo ang Oplan Kontra Baha: Greater Metro Manila Waterways Clearing and Cleaning Operations sa Balihatar Creek, Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Kasabay nito, sabay-sabay ding inilunsad ang operasyon sa Caingin Creek sa Meycauayan City; Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Maynila; San Juan River sa Quezon City; at Las Piñas River sa Las Piñas City, kung saan kasalukuyang isinasagawa rin ang paglilinis.
Ayon sa Pangulo, tinaya ng mga siyentipiko na maaaaring mabawasan ng hanggang 60 porsyento ang mga flash flood sa Metro Manila at karatig-lugar kapag naibalik sa tamang kapasidad ang mga daluyan ng tubig at drainage system.
“I am very optimistic that once we get the majority of this done, maramdaman na kaagad natin na pagdating ulit ng tag-ulan next year, malaki na ‘yung mababawasan sa flooding,” ayon sa Pangulo.
Ininspeksyon ng Pangulo ang isinasagawang dredging at pagtatanggal ng basura sa Balihatar Creek, kasama ang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, at mga katuwang mula sa pribadong sektor.
Ang Oplan Kontra Baha ay isasagawa mula Nobyembre 2025 hanggang Hulyo 2026, sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA). Katuwang dito ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at malalaking pribadong korporasyon.
Saklaw ng kampanya ang kabuuang 142.4 kilometro ng mga ilog, sapa, at estero, gayundin ang 333.15 kilometro ng mga drainage system sa buong Metro Manila, upang mabawasan ang pagbaha sa mga mabababang lugar.
Sa kanyang inspeksyon, sinabi ng Pangulo na ang pagbabara at pagdami ng basura sa mga daluyan ng tubig at drainage system ay isa sa mga pangunahing sanhi ng paulit-ulit na flashfloods.
“We will continue to do this first part of the Oplan hanggang July of next year, mga nine months ito. Hindi namin titigilan,” ani ng Pangulo.
“Even after that nine months ay patuloy lang, regular na ang paglinis, pag-desiltation, paglinis ng basura, lahat ito ay patuloy nating gagawin. Hindi natin puwedeng tigilan dahil alam naman natin umiipon pa.”
Bukod sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig at pagtanggal ng bara sa drainage systems, saklaw din ng Oplan Kontra Baha ang pamamahala ng mga pumping station, kabilang ang ilan na natukoy na sagabal sa daloy ng tubig.
“Ang isa pang nakita nating problema ay ang paglagay ng mga pumping station na mali. Marami sa mga pumping station natin mula ng itinayo ay hindi pa gumana kahit minsan,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Bakit? Dahil ‘yung pumping station mismo sa paglagay nila ‘yun pa ang nakaharang sa tubig. Imbes na magbigay ng solusyon, ito pa ang naging problema.”
Dagdag pa niya, palalawakin ang Oplan Kontra Baha sa mga lugar na madalas ding nakararanas ng malalalang pagbaha tulad ng Cebu, Bacolod, Roxas City, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Pangasinan, Cotabato, Davao, at Cagayan de Oro.
“It’s the beginning of a very wide-ranging program to at least partially solve the problem of flooding especially in the urban areas, especially in Metro Manila and the other highly urbanized cities and provinces,” ayon sa Pangulo
“Kaya this is going to be a simple solution but it will take a lot of work. And mabuti na lang ay marami tayong mga willing na tumutulong.”




