PBBM Governance Bill, isinusulong ng DBM

Humarap si Department of Budget and Management o DBM Secretary Amenah Pangandaman sa idinaos na Forum for the Preparation of the Fiscal Year 2024 Budget for Local Government Units o LGUs sa Bulacan State University sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Dito niya iprinisinta ang panukalang Progressive Budgeting for Better and Modernized o PBBM Governance Bill upang maging epektibo ang pagpaplano, paggastos at pagtutuos sa pambansang badyet. (Larawan mula sa DBM)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Iprinisinta ni Department of Budget and Management o DBM Secretary Amenah Pangandaman ang panukalang Progressive Budgeting for Better and Modernized o PBBM Governance Bill, sa ginanap na Forum for the Preparation of the Fiscal Year 2024 Budget for Local Government Units o LGUs sa Bulacan State University sa lungsod ng Malolos, Bulacan.

 

Layunin nito na mas maging epektibo ang pagpaplano, paggastos at pagtutuos sa pambansang badyet na pinopondohan ng pera ng bayan. Target din na mapalakas ang pakikiisa ng publiko sa paghahanda sa taunang panukalang pambansang badyet.

 

Kaya’t hinikayat ng kalihim ang mga municipal, city at provincial budget officers ng gitnang Luzon, gayundin ang ilang mga local chief executives sa rehiyon, na ilahok ang mas marami pang civil society organizations sa serye ng mga participatory budgeting sessions.

 

Sila ay pawang mga kasapi ng Association of Local Budget Officer o ALBO- Region III na nag-organisa nitong forum.

 

Base sa presentasyon ni Secretary Pangandaman, ang PBBM Governance Bill ay isang balangkas na nakatungtong sa prinsipyo, konsepto at sistema ng Modernize Budgeting System, Resolve Fragmented Public Financial Management o PFM Legal Framework, Secure Institutionalization of key PFM Reforms, Cash Budgeting System at itong Public Participation in Budget Processes.  

 

Una, sa modernize budgeting system, nais ng DBM na maging paperless ang mga transaksiyon gaya ng pagsusumite ng budget proposal sa pamamagitan ng pagpapabuti ng eBudget System, Automated Expenditure Tagging at Updated Budget Operations Manual.

 

Pangalawang rerepormahin ang PFM Legal Framework kung saan nakatakdang ayusin ang Treasury Single Account, Accounting, Auditing at ang Integrated Financial Management Information System.

 

Nakapaloob din sa PBBM Governance Bill ang pagiging permanente ng Cash Budgeting System na magpapabilis sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng pamahaalan.

 

Sa pamamagitan nito, kailangang gastusin ng ahensiya ang pondo na inilaan sa loob ng isang fiscal year. Dahil kapag hindi nagastos, kailangang isauli ang pera sa National Treasury at maghihintay muli na ilaan ng Kongreso sa susunod na fiscal year.

 

Pinakasentro ng PBBM Governance Bill ang pagtatatag at promosyon ng isang malakas na mekanismo para sa lalong pakikilahok ng publiko sa pagbalangkas ng budget, na may kaakibat na pagkakaunawa sa prinsipyo ng fiscal responsibility.

 

Ipinaliwanag pa ng kalihim na kung mas marami aniya ang makikisa sa pagbalangkas ng badyet, ang taongbayan mismo ang makakapagsabi kung gaano kahaba o kakapal ang dapat na ilatag na kalsada, ilan ang dapat mapagkalooban ng free tuition, gaano kalaking sakahan ang dapat mapatubigan at iba pang bagay na may direktang pakinabang sa karaniwang mamamayan.

 

Binigyang diin pa ni Secretary Pangandaman na ang mga repormang ito ang magpapatatag sa ipinaiiral na 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework o MTFF.

 

Nagsisilbi itong haligi at saligan ng taunang paggastos at paglalaan ng pamahalaang nasyonal na inihahanda ng DBM at inaaprubahan ng Kongreso taun-taon.

 

Tinitiyak nito ang sapat at napapanahong pondo para sa 8-Point Socio Economic Agenda sang-ayon sa 2023-2028 Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos.

 

Samantala, target ng DBM na maipapasa sa Kongreso ang Progressive Budgeting for Better and Modernized o PBBM Governance Bill sa papasok na Second Regular Session ng 19th Congress na magsisimula sa Hulyo 2023.