LUNGSOD NG MALOLOS- Dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr, kasama ang matataas na lokal na opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando, ang siyam na iba’t ibang proyekto ng kanyang administrasyon sa Lalawigan ng Bulacan ngayong araw, Abril 19.
“Mamarkahan natin ngayong araw na ito ang pagsibol ng isang pangarap para sa mga mamamayan ng Bulacan. Ang isusukli namin sa inyong tulong, sa inyong pagmamahal at pagsuporta na patuloy naming ginagawa upang pagandahin ang buhay ng bawat kababayan nating Pilipino,” anang pinuno ng ehekutibo.
Personal na pinasinayaan ng Pangulo ang groundbreaking ceremony ng tatlong proyektong Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) kabilang ang siyam na walong palapag na gusali na may 1,890 yunit ng pabahay at isang commercial complex na tinaguriang Rising City Residential Project sa Brgy. Gaya-Gaya, Lungsod ng San Jose del Monte; ang San Rafael Heights Development Project na may 3,920 residential condominium na yunit sa Brgy. Caingin, San Rafael; at ang proyektong Mom’s Ville Homeowners Association Incorporated kung saan walong sampung palapag na gusaling residensyal na may 1,920 yunit ng pabahay ang itatayo sa Brgy. Peñabatan, Pulilan.
Ininspekyon rin ni Marcos ang dalawang electric jeeps na gagamitin bilang shuttle service para sa mga magiging residente ng San Rafael Heights Development Project. Napili ang electric jeep na magsilbing shuttle service upang tumugon sa adbokasiya ng Pangulo na palawigin ang paggamit ng renewable energy.
Kasabay nito, tatlong iba pang 4PH na proyekto ang birtwal na dinaluhan ni Marcos kabilang ang 4,050 yunit na Pandi Terraces sa Brgy. Bagong Barrio, Pandi; ang 108 yunit na Guiguinto Employees Housing sa Brgy. Sta. Cruz, Guiguinto; at 675 yunit na Pambansang Pabahay para sa Maloleño Program 2023-2025 sa Brgy. Santor, Lungsod ng Malolos.
“Karangalan po ng ating lalawigan na mabigyan ng pagkakataon na makapiling ang ating minamahal na pangulo upang ilunsad ang proyektong tutugon sa pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng bahay na masisilungan at matatawag na sariling tahanan. Para sa ating mga kababayan, hindi kailangangang marangya, kahit simple ang tahanan basta’t matibay at ligtas, ito’y isa nang magandang panimula upang makapamuhay nang masaya at may pag-asa ang isang pamilya,” anang gobernador sa dinaluhang gawain sa Pulilan.
Bago ito, pinuntahan rin ng Pangulo ang pagbubukas ng proyektong Kadiwa ng Pangulo sa Brgy. Dulong Bayan, Lungsod ng San Jose del Monte na nilahukan ng 46 na nagbebenta ng iba’t ibang produkto kung saan siniguro niya na mayroong sapat na suplay ng pangunahin at abot-kayang produkto sa iba’t ibang Kadiwa outlet sa buong bansa.
“Malaking bagay po ito sa atin na dinalaw tayo ng Pangulo. ‘Yung mga maliliit na negosyante dito sa atin ay nagkakaroon sila ng moral at higit na nagpupursige dahil nandiyan ang mahal na Pangulo at nakasuporta. Kaya nagpapasalamat po tayo sa ating Pangulong Bongbong dahil hindi po niya tayo nakakalimutan, ang Lalawigan ng Bulacan,” ani Fernando.
Gayundin, pinangunahan ni Marcos ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong ng pamahalaan sa Lungsod ng San Jose del Monte rin kabilang ang tatlong combine harvesters para sa mga grupo ng magsasakang Bulakenyo; 10 Negokart na nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa; tatlong sari-sari store package na nagkakahalaga ng P20,000 bawat isa; P1 milyong pisong halaga ng tulong pangkabuhayan sa 50 miyembro ng lokal na grupo ng magsasaka ng kape at P4.7 milyon halaga ng tulong sa 946 benepisyaryo sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program (TUPAD) mula sa Department of Labor and Employment (DOLE); sertipiko ng konstruksyon para sa isang warehouse na may mechanical grain dryer na may halagang P5 milyon at Integrated Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion na nagkakahalagang P5.5 milyon mula sa Department of Agriculture (DA); P5,000 halaga ng food packs para sa 500 benepisyaryo sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); at P3.4 milyong halaga ng loan assistance sa ilalim ng RISE UP Loan Program ng Department of Trade and Industry.
Sa huli, pinangunahan rin ng Pangulo ang groundbreaking ceremony ng Level 1 na tatlong palapag na St. Bernadette Mother and Child Hospital na may 65-bed capacity sa isang 3,794 kilometro kwadrado na lugar na may operating room, recovery room, maternity at isolation facilities, clinical laboratory, imaging facility; at pharmacy sa Brgy. Gaya-Gaya, Lungsod ng San Jose del Monte.