Paskong-pasko na sa provincial headquarters ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) makaraang lumiwanag ang buong gusali nito nang pormal na sindihan ang nakapaligid na Christmas lights sa ginanap na Christmas tree lighting sa Kampo Heneral Alejo Santos sa Malolos City, Bulacan nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 1.
Ayon kay Bulacan PPO acting director PCol. Manuel Lukban Jr., ang nasabing simultaneous regional Christmas Lighting sa hanay ng Philippine National Police ay hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng nalalapit na Kapaskuhan.
“Ito ay umpisa at simbolo ng pagmamahalan at pagbibigayan bilang pag-alala at pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus,” ani Lukban.
Sa isang simpleng seremonya ay naisagawa ang pagbubukas ng mga ilaw sa pamamagitan ng Virtual Christmas Lighting mula sa Police Regional Office 3 (PRO3), mga Police Provincial Office, City Police Office hanggang sa mga City/ Municipal Police Stations.
Sinabi ni Lukban na kaakibat ng pagdiriwang ng Pasko ay magkakaroon sila ng mga programa gaya ng gift giving hindi lamang sa mga uniformed personnel ng kanilang hanay kundi maging sa mga inmates na nakadetine sa kanilang kampo.
Makatatanggap rin ng mga regalo buhat sa Bulacan PPO ang mga street people kabilang na ang mga aeta o mga dumagat na bumaba sa Bulacan buhat sa mga kabundukan ng DRT, Angat, Norzagaray at sa probinsiya ng Pampanga.