Pandurog ng plastik para gawing hollow block, ipinagkaloob ng DTI sa Baliwag

Baliwag Green Producers Cooperative
Ipriniprisinta ni Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon (kanan) Senate Majority Leader Joel Villanueva (kaliwa) ang mga kagamitan na ipinagkaloob sa Baliwag Green Producers Cooperative. Ito ang mga pasilidad na tumutunaw ng iba’t ibang uri ng mga plastik upang gawing hollow blocks. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG BALIWAG — Sisimulan nang gumamit ng pamahalaang lungsod ng Baliwag ng mga materyales sa konstruksyon na gawa mula sa mga dinurog at tinunaw na plastik.

 

Ito’y matapos pasinayaan ng Department of Trade and Industry o DTI ang Community Plastic Station sa Central Kalikasan Center sa barangay Tarcan na nagsisilbing Material Recovery Facility na ipinagawa ng pamahalaang lungsod.

 

Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon, ang naturang plastic station ay isang Shared Service Facility na nagkakahalaga ng 950 libong piso.

 

Idinisenyo ito upang dumurog ng mga iba’t ibang uri ng plastik upang gawing materyales sa paggawa ng mga hollow block at brick. 

 

Kabilang sa mga makinarya na ipinagkaloob ng DTI ay Hydraulic Hauler Shredder, Aggregate Machine at Grass Crete.

 

Pangangalagaan ang Community Plastic Station ng Baliwag Green Producers Cooperative na samahan ng mga kawani ng pamahalaang lungsod na may inisyatibo sa pagtataguyod ng mga makakalikasang pamamaraan ng kabuhayan.

 

Ipinaliwanag ni Baliwag Green Producers Cooperative President Joven Guevarra na nakakakolekta ng 600 kilo ng iba’t ibang uri ng mga plastic ang Central Kalikasan Center sa 27 mga barangay kada isang linggo. 

 

Ngayong napagkalooban sila ng kumpletong mga kasangkapan, target nitong makagawa ng 600 na mga hollow block araw-araw.

 

Bawat 60 piraso na magagawang hollow block, mangangailangan ng dalawang kilo ng mga dinurog na mga plastik. 

 

Ihahalo ito kasama ng mga karaniwang materyales para makagawa ng hollow block gaya ng isang supot ng semento, tatlong kahon na graba at siyam na kahon ng buhangin.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Ferdinand Estrella na unang susubukan ang paggamit sa mga hollow blocks na ginawa na hinaluan ng mga dinurog na hollow block, sa pagpapatayo ng mga boundary arc.

 

Apat na boundary arc ang ipapagawa ng pamahalaang lungsod sa mga hangganan nito sa Pulilan, Bustos at San Rafael sa Bulacan at Candaba sa Pampanga.

 

Panauhin sa naturang pagpapasinaya si Senate Majority Leader Joel Villanueva na nagsabing ang mga ganitong uri ng inisyatibo at proyekto ay makakapag-ambag upang makalikha ng mga tinatawag na Green Jobs. 

 

Ito ang uri ng mga trabaho na may direktang kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan at tumutugon sa hamon ng Climate Change.

 

Magiging kasama rin aniya ito sa isinusulong na Trabaho para sa Bayan bill na nirerepaso ngayon sa Senado na lilikha ng National Employment Master Plan.