IPINAGDIRIWANG ngayon ng bayan ng Pandi, Bulacan ang kanilang 77th Founding Anniversary mula nang ganap na maging isang lokal na pamahalaan noong Abril 17, 1946.
Sa pamumuno ni Mayor Enrico A. Roque ay puno ng ibat-ibang aktibidad ang nasabing weeklong celebration na taunan nang tradisyon ng pamahalaang bayan buhat nang maupo siyang alkalde.
Sa unang araw ng selebrasyon Abril 10, 2023 ay isinagawa ang Pandi Week Kick-off Motorcade na ginanap buhat sa People’s Park patungong Real De Cacarong kasabay ng opening ng Night Market at Tax Payer’s Night.
Sa ikalawang araw ay binuksan naman ang Trade Fair sa harap ng munisipyo at pagkaraan ay ang Job Fair at Livelihood Program at binigyan parangal naman ang mga retiradong kawani sa Gabi ng Parangal.
Ayon kay Roque, nasa 1,200 ang job vacancies na handog ng nasa 19 local employers at 2 overseas companies sa naturang job fair na kung saan ay mahigit 600 na mga aplikanteng Pandienyo ang lumahok.
Sabi ng alkalde kabilang pa sa mga gaganaping mga aktibidad sa nasabing selebrasyon ang Battle of Kakarong De Sili Off-Road Challenge, Kasalang Bayan, Zumbayanihan, Binyagang Bayan, Hari at Reyna Pre-Pageant, Pandi Got Talent, Concert at sa huling araw ay ang Coronation Night ng Hari at Reyna 2023.