LUNGSOD NG MALOLOS – Ilang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ifugao ang bumisita sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang mag-benchmark sa iba’t ibang information systems na ginagamit ng lalawigan kabilang ang Real Property Tax Information System, Financial Management Information System, at Human Resource Information System noong Nobyembre 28.
Sinalubong, inilibot, at inasistehan ang mga delegado mula sa Ifugao na pinangungunahan ng kanilang Provincial Treasurer Martha U. Ballangi, Provincial Accountant Charles P. Baguilat, at Provincial Assessor Glenn Lamag ng mga pinuno ng tanggapan ng Bulacan kabilang sina Provincial Assessor Arch. Rodello C. Robles, Provincial Accountant Marites C. Friginal, Provincial Treasurer Abgd. Maria Teresa L. Camacho, Provincial Assistant Treasurer Inh. Miriam T. San Diego, at Pinuno ng Provincial Information Technology Office Inh. Rhea Liza Valerio.
Ayon kay Ballangi, kasalukuyang binubuo ang information systems ng kanilang lokal na pamahalaan at layunin nila na matuto mula sa mga lalawigan na ginagamit na ang mga sistema sa mahabang panahon.
“Why not visit Bulacan who has all the systems in place to benchmark with the best. It is such a great privilege for Team Ifugao. We have not made a mistake to choose you and we hope by now we already established a sisterhood. We count on you to help us,” ani Ballangi.
Si Professor Edel Guiza, consultant ng Ifugao, dating consultant ng Bulacan, at dating pinuno ng National Food Authority, National Irrigation Administration, Fertilizer and Pesticide Authority, at Philippine Coconut Authority, ang naging tulay sa pagsasakatuparan ng benchmarking activity sa pagitan ng dalawang lalawigan.