Pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, wagi muli sa SGLG

Ang pagsalang ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa validating team para sa 2022 Seal of Good Local Governance.

LUNGSOD NG MALOLOS — Nasungkit ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang Seal of Good Local Governance o SGLG ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa ika-anim na pagkakataon.

Kabilang sa assessment criteria ang financial administration and sustainability, disaster preparedness, social protection and sensitivity, health compliance and responsiveness, at sustainable education.

 

Sinabi ni DILG Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia na nakapaloob rin sa assessment areas ang business-friendliness at competitiveness; safety at peace and order; environmental management; tourism, heritage development, culture and arts; at youth development. 

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, naging posible ang pagkakakamit ng SGLG dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

 

Aniya, ang mga pagsisikap na kanilang ginagawa ay upang makapaghatid ng mahusay na serbisyo at lumikha ng mga programang tutugon sa pagkamit ng progreso at pag-unlad ng Bulacan.

Nagkamit din ng naturang parangal ang pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte at mga pamahalaang bayan ng Balagtas, Baliwag, Guiguinto, Plaridel, Pulilan, at Santa Maria.