LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa buong lalawigan bilang tugon sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa sitwasyon ng enerhiya ng bansa sa ilalim ng direktiba ni Gob. Daniel R. Fernando at alinsunod sa memorandum na inilabas ng Malacañang.

Batay sa nilalaman ng Memorandum Circular No. 114, inaatasan ang lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga protocol sa pagtitipid ng enerhiya upang mabawasan ang energy footprint ng operasyon ng gobyerno at mapahusay ang paggamit ng pampublikong yaman, habang patuloy na naaapektuhan ng kasalukuyang tensyong heopolitikal ang pandaigdigang merkado, partikular ang mabilis na pagtaas ng presyo ng langis.
Bilang agarang tugon sa krisis, ipinag-utos ni Fernando ang lokal na pagpapatupad ng Memorandum DRF – 0306026 – 111 o ang “Lokal na Pagpapatupad ng Mga Hakbang sa Pagtitipid ng Enerhiya.”
Kabilang sa direktibang ito ang pagpapatupad ng four-day onsite work arrangement sa mga tanggapan ng pamahalaan; 10% hanggang 20% na pagbawas sa aktuwal na konsumo ng kuryente at gasolina; paghihigpit sa paggamit ng mga sasakyang pang-opisyal, maliban na lamang sa mahahalagang serbisyo publiko; pagsasagawa ng online at virtual meetings; pagsuporta sa mga alternatibong work arrangements na nakatutulong sa pagtitipid ng enerhiya; at paggamit ng iba pang alternatibong paraan ng pagpasok sa trabaho.
“Hinihikayat ko ang pakikiisa ng lahat sa pagpapatupad ng mga energy conservation protocol sa paraang hindi naaantala ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga mamamayan,” ani Fernando sa ginanap na Chairperson’s Hour sa katatapos lang na 2026 First Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council, at Provincial Task Force To End Local Communist Armed Conflict.
Tiniyak din ng gobernador sa mga Bulakenyo na nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan sa iba pang ahensiya upang matiyak ang patas na presyo ng mga lokal na produkto, gasolina, at serbisyo.
“Sa tuwina ay katuwang natin ang PNP, DTI, at Local Price Coordinating Council upang matiyak na hindi masasamantala ang kritikal na sitwasyon—lalo na sa posibleng pagtaas ng presyo ng petrolyo, mga pangunahing bilihin, at serbisyo,” aniya.
Hinikayat din ni Fernando ang mga kawani ng Kapitolyo, lalo na ang mga nakatira malapit dito at may kakayahan, na makiisa sa “bike-to-work” initiative bilang bahagi ng patuloy na kampanya sa pagtitipid ng enerhiya, pagbabawas ng polusyon, at pagtataguyod ng malusog na pamumuhay.
Ito ay kasunod ng kaniyang pagdalo sa isang briefing hinggil sa mga lokal na contingency measures kaugnay ng tumataas na pandaigdigang presyo ng langis noong Marso 17 na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government at Department of Energy.
“Maaaring maliit na hakbang ito para sa bawat isa, ngunit kapag pinagsama-sama ang ating mga pagsisikap, ito ay nagiging malaking ambag para sa lalawigan at bansa,” aniya.





