LUNGSOD NG MALOLOS – Sampung estudyante ng senior high school mula sa Indigenous People (IP) ng bayan ng Norzagaray ang nagawaran ng scholarship grants na umabot sa halagang P30,000 sa ilalim ng isa sa mga prayoridad na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na Tulong Pang-Edukasyon para sa mga Bulakenyo sa ginanap na Lingguhang Pagtaas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.
Tulad ng ibang mga estudyante na nais maging bahagi ng scholarship program, nagsumite rin ang sampung iskolar ng mga kinakailangang requirements upang mapabilang sa scholarship.
Binigyang diin ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng paglikha ng isang mas inklusibo na komunidad pagdating sa edukasyon na nagbibigay katiyakan na ang mga karapat-dapat na estudyante ay nakatatanggap ng kinakailangang pinagkukunan upang matupad ang kanilang mga akademikong layunin.
“Napakahalaga ng edukasyon sa pag-unlad ng bawat tao, lalo na sa mga iskolar na katutubo. Ang pagbibigay ng tulong sa kanilang edukasyon ay isang hakbang patungo sa mas makatarungan at mas pantay-pantay na lipunan,” anang gobernador.
Bukod sa kasalukuyang scholarship na inisyatiba, nakipagtulungan din ang Pamahalaang Panlalawigan sa Landbank of the Philippines para ilunsad ang “Perang Inimpok Savings Option” (PISO) account na magbebepenisyo sa mga iskolar na IP at magpapataas ng bilang ng mga scholarship na maaaring ipamahagi sa kanila.
Sa kasalukuyan, 3,500 mula sa 16,000 na iskolar na IP ang naka-enroll sa PISO account.
Ang Landbank PISO account ay naglalayon na tulungan ang mga kulang sa serbisyo na Pilipino kabilang ang mga estudyante, IP, mga drayber ng pampasaherong sasakyan, mga tindera/o, kasambahay, magsasaka, at mangingisda na magbukas ng Landbank deposit account na may P1.00 minimum na unang deposito.
Magkakaloob din ng karagdagang scholarship fund ang Landbank.