Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, kinilala ang talento ng mga Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Muling pinatunayan ng Bulacan na ito ay tahanan ng kahusayan pagdating sa iba’t ibang disiplina at talento.

Sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat noong Hunyo 2 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, binigyang-pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga natatanging Bulakenyo na nag-uwi ng karangalan mula sa iba’t ibang pambansang patimpalak.

Pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang pamamahagi ng mga sertipiko ng pagkilala sa mga lokal na kampeon ng lalawigan. Kabilang sa mga pinarangalan sina Andy Mendiamar, na kinoronahang Face of the Year sa King of the World Philippines pageant; Paul John Galang, na itinanghal na King of the World Philippines Supermodel; Khryss Nicole Go, ang Grand Winner ng Miss Chinatown 2025; at Mark Lawrence Mariñas, na nagpakitang-gilas bilang kandidato sa Mister Homeland Philippines.

Kinilala rin ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office sina Virgilio Laggii, national awardee ng Gawad Dakilang Pilipino; Rachelle Baldomaro, na ginawaran ng Muse of Music sa Outstanding Women Achievers Award; at Katherine Ramos, na nagtagumpay sa National Festival of Talents.

Bukod pa rito, pinarangalan din ang mga musikero mula Partida Elementary School na itinanghal na kampeon sa 6th Drum and Bell Corps Organization of the Philippines Inc. National Competition, kung saan wagi si Rocky Isanan bilang Best Conductor.

Sa kaniyang pambungad na pananalita, taos-pusong binati ni Fernando ang lahat ng nagwagi at muling pinagtibay ang kaniyang suporta sa mga Bulakenyo, lalo na sa kabataan.

“Napakahuhusay, tanggapin ninyo ang maalab na pagbati mula saating Pamahalaang Panlalawigan para sa pagbibigay karangalan saatin. Hayaan ninyo po’t patuloy po nating susuportahan lalo ang mgakabataan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap,” ani Fernando.