
LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pagdiriwang ng Buwan ng Pag-iwas sa Sunog ngayong Marso 2025, naghanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng mga nagbabagang aktibidad upang paigtingin ang kamalayan sa kaligtasan sa sunog at palakasin ang mga hakbangin sa pag-iwas dito.
Binuksan ang seremonya na may temang “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa!” na opsiyal na nagsimula noong Marso 3, 2025 sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium. Ipinakalat ang nagliliyab na kamalayan sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad na nakadisenyo upang alalayan ang mga Bulakenyo sa kaalaman at kasanayan na kinakailangan upang agarang harapin ang mga fire-related emergencies.
Alinsunod dito, iba’t ibang mga aktibidad ang inorganisa upang bigyan ng kinakailangang kaalaman at kasanayan ang mga Bulakenyo sa pag-iwas at pagtugon sa mga insidenteng may kaugnayan sa sunog kabilang ang Fire Fighting at HAZMAT Training para sa mga kawani ng PDRRMO mula Marso 5 hanggang 7; Fire and Earthquake Orientation Drill sa BMC Annex sa Marso 7; Basic Life Support (BLS) Training para sa Association of Bulacan Dentists (KADEBU) sa Marso 10; habang nakatakda naman ang 1st Quarter Meeting ng PGB Marshals sa Marso 11, na susundan ng Basic Incident Command System (BICS) Training para sa mga kawani at konseho ng PDRRMO mula Marso 12 hanggang 14.
Dagdag pa rito, nakatakdang idaos ang Earthquake Orientation Drill sa Sta. Cruz Multispecialty Hospital sa Marso 18, habang gaganapin naman ang HAZMAT Orientation para sa mga stakeholderng PDRRMO sa Marso 20-21, na magtatapos sa isang HAZMAT Drill sa Marso 25.
Nagbigay naman ng mensahe si Bulacan Provincial Fire Marshal FSSupt. Ernesto S. Pagdanganan sa pagsisimula ng programa, kung saan binigyang diin niya ang kahalagahan ng kaligtasan at pag-iwas sa sunog. Ipinirisinta rin niya ang detalyadong ulat tungkol sa mga aktibidad at inisyatiba ng Bureau of Fire Protection-Bulacan sa nakalipas na taon, na nagpapakita sa pagsisikap ng ahensya hinggil sap ag-iwas sa sunog at pagtugon sa emergencies sa buong lalawigan.
Kasabay nito, nagsagawa ng motorcade sa lahat ng lungsod at bayan sa Bulacan upang pataasin ang kaalaman ng publiko at ipaalala sa komunidad ang tema ng Fire Prevention Month ngayong taon.
Ginugunita ang Fire Prevention Month alinsunod sa Presidential Proclamation No. 115-A, na ipinalabas ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, at Proclamation No. 360 ng 1986, na parehong nagtatakda sa buwan ng Marso bilang isang espesyal na panahon para sa pagpapataas ng kamalayan at pagsusulong ng kaligtasan laban sa sunog sa buong bansa.