Paleng-QR Ph Plus nailunsad na sa lahat ng lungsod, bayan sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nailunsad na sa lahat ng lungsod at bayan sa Nueva Ecija ang Paleng-QR Ph Plus.

Ang bayan ng San Isidro ang ika-23 lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija na naglunsad ng mga programang Paleng-QR Ph Plus ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of the Interior and Local Government at Public Market Digitalization ng Department of Trade and Industry (DTI). Ngayong Oktubre, iniulat ng DTI na nailunsad na ang parehong programa sa lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan. (DTI Nueva Ecija file photo)

Ito ay programang hatid ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of the Interior and Local Government na isinulong naman ng Department of Trade and Industry (DTI) kasabay ng programa nitong Public Market Digitalization na naipatupad na rin sa buong lalawigan.

Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, maraming benepisyo ang programang Paleng-QR Ph Plus para sa mga konsyumer, partikular na sa pagpapabilis at pagpapadali ng transaksyon sa mga pamilihan at transportasyon.

Aniya, sa pag-scan ng QR code gamit ang digital payment platforms tulad ng Gcash o Maya ay makakapagbayad na ang mga konsyumer.

Dagdag pa niya, maiiwasan din ang pandaraya o pagkakamali sa pagsusukli dahil eksakto na ang maibabayad sa pamamagitan nito.

Bukod sa mga pampublikong pamilihan at transportasyon, ginagamit na rin ang digital payments sa mga trade fair ng DTI, kung saan tampok ang mga produkto ng micro, small, and medium enterprises.

Kaya naman, patuloy na hinihikayat ng ahensiya ang mga mga konsyumer na subukan ang paggamit ng digital payments.

“Nawa ay dumami pa rin ang mga retailer na gumagamit o tumatanggap ng ating digital payments para sa ganoon ay mas maganda, mas pinadali, o mas mabilis yung mga transaksyon,” wika ni Simangan.

Samantala, nilinaw niya na hindi layunin ng programa na tanggalin ang cash payments, bagkus ay nagbibigay lamang ito ng karagdagang opsiyon para sa mga konsyumer.

Sinimulan ang paglulunsad ng Paleng-QR Ph Plus sa Nueva Ecija noong Abril 2023.

Mula Abril hanggang Disyembre ng nakaraang taon, 16 na lokal na pamahalaan ang nakapaglunsad ng programa.

Karagdagang 16 na lokal na pamahalaan ang nagpatupad nito mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon, na kumumpleto sa kabuuang 32 bayan at lungsod ng lalawigan.

Kinilala naman ng DTI ang malaking papel at suporta ng mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng programa, katuwang ang Nueva Ecija League of Market Administrators, Association of Licensing Officers, Local Price Coordinating Council, Consumer Affairs Council, at Market Vendors Association.

SOURCE: Maria Asumpta Estefanie C. Reyes PIA3