Malaking palaisipan na ang serye ng pananambang sa sinasabing mga taga-‘Assesment Division’ ng Bureau of Customs (BOC). Matindi! Apat (4) na sa kanilang hanay ang nadale.
Tatlo (3) ang minalas mamatay. Samantalang Isa (1) ang suwerteng nabuhay.
Hindi ko na binanggit ang mga pangalan para sa proteksyon ng kani-kanilang naulilang pamilya na naghahangad ng mabilisang hustiya.
Ang nakapagtataka, bakit tuwing araw ng Biyernes ng gabi tumitira ang hindi pa kilalang mga salarin, gaya ng nangyari kagabi kung saan inambush ang pinakahuling biktima? Mahiwaga, ‘di ba!
Mukhang malalim ang bunga ng mga pagpatay. Nagdudulot na raw ito ng matinding takot sa opisyales at mga kawani ng Adwana! Nababahala na sila para sa kanilang kaligtasan.
Gayunman, aalamin pa natin ang tunay na buong kuwento sa likod ng kontrobersyal na krimen, base sa ilalabas na resulta ng imbestigasyon na patuloy ginagawa ng mga awtoridad.
Lahat ng anggulo sa ugat ng insidente ay pinag-aaralan mabuti ng pulisya. Posibleng may kaugnayan sa kanilang kasalukuyang mga trabaho o personal na buhay ang dahilan ng magkakasunod na pagpaslang sa mga biktima.
Para sa hindi pa nakakaalam, ang Customs ay pangalawa sa tax generating agencies ng ating gobyerno. Una ang Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa maikling intindi, ang Customs ay kumukolekta ng buwis buhat sa imported shipments na pumapasok sa ‘Pinas galing sa iba’t ibang bansa, partikular na karamihang kargamento ay nagmumula sa China.
Maselan at lubhang delikadong pagsisilbi sa waterfront stakeholders ang ginagampanan ng Customs-Assessment groups para bigyang proteksyon ang interes ng pamahalan.
Sa halip na benipisyo para sa serbisyo, ang kapalit pala ay kanilang hindi inaasahang kamatayan. Nakakadurog ng puso! Tsk,tsk,tsk!
Bigla ko tuloy naalala. May 2 Customs officials rin ang magkasunod tinambangan, kung tama ako, ay sa pagitan noong nakaraang 2002-2003. Biyernes ng gabi rin tinira.
Parehong magaling na abogado. Isang dating District Collector ng billionaire port, na sa kabila ng kanyang tinamong tama ng iba’t ibang kalibre sa maraming parte ng katawan ay himalang nabuhay.
Pero ang isa rin nakatalaga naman sa OCOM (Office of Customs Commissioner) bilang reviewer ay sawing palad na natigok makaraang ang ilang araw habang nilulunasan sa pagamutan.