“PABOR po tayo sa pagbabalik ng 100% face-to-face classes para sa ating mga estudyante”, ito ang pahayag ni Senator Joel Villanueva kaugnay sa planong implementasyon ng full capacity face-toface classes sa Nobyembre.
Ayon sa NEDA, 37 percent lang ang effectiveness ng online o modular learning kumpara sa face-to-face learning dito sa Pilipinas.
Ayon sa senador, kailangan nang makabawi mula sa learning loss na idinulot ng pagsasara ng mga paaralan at remote classes dahil sa pandemya.
Napag-alaman na may kabuuang P11 trillion ang mawawala sa bansa sa susunod na 40 years dahil sa suspension ng face-to-face classes at lost wages mula sa mga magulang na kailangang magpaliban ng trabaho para tulungan ang kanilang mga anak sa online classes, ayon sa NEDA.
“Mainam po na mapabilis lalo ang implementasyon ng COVID vaccine boosters para sa mga bata mula 12-17 bago mag-Nobyembre kung kailan planong full capacity na ang face-to-face classes. May ilang buwan pa po tayo para maihanda ang ating mga paaralan para sumunod sa minimum public health standards gaya ng proper ventilation, at maghanda para sa contingencies base sa sitwasyon ng pandemya,” wika ng senador.
Aniya, ang hamon ngayon sa DOH ay magkaroon ng 4 to 5-month plan para mag-set at maabot ang target ng booster shots para sa mga estudyante.
Sabi ng DOH, 7,042 na mga adolescent ang nakakakumpleto ng kanilang booster doses out of 12.74 million na qualified adolescents.
“I-prioritize rin po natin ang pagbibigay ng booster shots para sa ating mga guro dahil magiging araw-araw ang pagharap nila sa mga estudyante. Kaligtasan at kalusugan ng ating mga estudyante pa rin po ang prayoridad natin sa ating education policy sa ngayon, at dito po nakasalalay ang kinabukasan ng kanilang kabuhayan at kaunlaran ng bansa,” sabi ni Villanueva.
Pahayag nito, isa pang mahalagang pagtuunan din umano ng pansin ay ang kaakibat na gastos dahil sa face-to-face classes, gaya ng mataas na presyo ng transportasyon at bilihin.
Panawagan ni Villanueva na mas mabilis na pagbibigay ng fuel subsidy para sa transport sector ang patuloy na pagpapatupad ng student discounts sa pamasahe.
Nabatid na maliban sa mga magulang ng estudyante, alalahanin din ng mga guro ang dagdag gastos sa pamasahe at bilihin.
“May panukala po tayo na dagdagan ang benepisyo ng mga guro at personnel ng mga public schools, pati na SUC at state-run technical and vocational institutions bilang tugon sa hamong ito sa sektor ng edukasyon,” pagtatapos ni Villanueva.