PAGYAMANIN ANG PAMANA NI MARCELO H. DEL PILAR- GOV. DANIEL FERNANDO

NITONG  nakaraang ilang araw ay ginunita ng Lalawigan ng Bulacan ang kahalagahan ng ika-172nd Birth Anniversary ni Gat Marcelo H. del Pilar, kung saan dinaluhan ang bantayog ng bayaning si Del Pilar, na matatagpuan sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan, ng iba’t ibang sektor, grupo o samahan sa lipunan, na pinangunahan ng mga halal na Opisyal ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Governor Daniel Fernando, ng Bulacan, “magkaisa tayong lahat at huwag tumigil sa pagpupursige. Dapat nating gawin ang tama upang mapagyaman ang pamana ni Marcelo H. Del Pilar, na magsisilbing liwanag at gabay ng mga susunod na henerasyon.”

Tsk Tsk Tsk! Hanggang sa kasalukuyan o sa panahong ito, ay marami pa rin sa atin ang hindi talos, o ano ang naiambag ng ating mga tinaguriang bayani o limot na mga bayani sa mga nakalipas na panahon ng himagsikan.laban sa mga kastila at hapon.

Alam lamang nila ay ang mga pangalan ng mga ‘hero’ o baka hindi pa. Kailangan ang pakikipagtulungan ng mga Magulang, Simbahan at Paaralan, na maipaliwanag ang mga kontribusyon ng mga taong nakipagpatayan laban sa mga mananakop, na silang gumulo sa ating katahimikan, kalayaan at gamitin ito, ng mga mapanupil, para sa kanilang mga pansariling kapakanan, ito ay ang tayo ay alipinin, at ariin ang hindi kanilang lupain.

Sa aking pakiwari iyan ang dapat na ikintal sa isipan ng mga millennial o kasalukuyang henerasyon, upang lubos nilang maunawaan. Hindi na bago ang parang see-saw o yoyo na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene.

Ilang buwan ang nakalipas ay bumababa ang presyo nito, ngayon tumaas na naman! Tsk Tsk! Tsk! Ang ipinagtataka ng Katropa, bakit ang presyo nito, sa mga gasoline station, na ating nadadaanan ay hindi pare-pareho?

Gayundin kung magtataas itong mga may-ari ng mga gasoline station ay huwag naman napakataas na halaga.

Kailangan sigurong busisiin itong Oil deregulation law sa ating bansa. Kasunod niyan ang pagbaba ng halaga ng ating Piso kontra US dollar.

Naisip ko tuloy itong mga kababayan nating mahihirap. Kapag tumaas ang presyo ng lahat ng bilihin, dahil nga sa walang humpay na pagtaas ng halaga din ng krudo, tiyak na malulugmok ang nakararaming Pilipino sa kahirapan, dahil ang presyo ng mga halaga ng bilihin ay ‘skyrocketing.’

Nararapat lamang na bigyan ng pansin ng ating pamahalaan, na bigyan ng sapat na ayudang salapi ang mga mahihirap nating kababayan na nakatala sa tinatawag na 4Ps o itong flagship na Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.

Nang sa gayun ay may pansabay man lang sila sa mataas na presyo ng bilihin o gastusin sa araw-araw. Dumako tayo sa isyung COVID- 19.

Ayun sa isang grupo na nagre-research, ang Covid-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR) ay bumaba sa 0.99 noong Agosto 23 mula sa 1.02 noong Agosto 16.

Ito ang unang pagkakataon mula noong Mayo 11 ng taong ito na bumaba ito sa isa sa rehiyon. Ayon sa isang Opisyal ng grupo, ipinahihiwatig nito na ang mga impeksyon ay bumaba.

Tsk! Tsk! Tsk! Bagamat okey ang balita ay huwag tayong maging kampante, tulad na ng ating mga naisulat na.

Maging ‘aware’ tayo sa pwede pang gawin ng ‘virus’ na ito. Magdala ng alcohol at kapag sa tingin ninyo ay kinakailangan, magsuot ng ‘face mask.’ Iba na iyung listo at gamitin ang inyong pandama tuwina. Hanggang sa muli.