NORZAGARAY, Bulacan – Aagapay ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pagtatayo ng isang Ancestral Domain Management Office sa Angat Dam Watershed sa Norzagaray.
Iyan ang tiniyak ni NCIP Secretary Allen Arat Capuyan sa ginanap na Inter-Agency Ancestral Domain Visitation sa mga katutubong Dumagat na naninirahan sa pamayanang Karahume, Kalawakan at Kabayunan sa San Jose Del Monte City at Donya Remedios Trinidad, na pawang mga lupang ninuno o ancestral domain.
Paliwanag ng kalihim, ang mga katutubong ito ang tunay na nagmamay-ari ng mga lupaing ninuno kaya’t makatwiran na sila ang mismong magdesisyon kung paano ito dapat magamit at mapangalagaan.
Ayon sa Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997, kinikilala ng estado na ang mga katutubo ang tunay na may-ari ng mga lupaing ninuno. Kaya naman sa pagtatayo ng Ancestral Domain Management Office, ang mismong mga katutubo ang magpapatakbo at mangangasiwa rito.
Sinabi pa ni Secretary Capuyan, sa Ancestral Domain Management Office dapat magpaalam ang bawat mga turista, pati mga magtatanim ng mga puno, maglalagak ng negosyo o anumang uri ng paggamit na mangyayari sa loob ng mga lupang ninuno. Dito gagawa ng desisyon ang mga katutubo kung bibigyan ng pahintulot o hindi.
Hinikayat naman niya ang mga katutubong Dumagat na singilin ng royalty ang mga malalaking kompanya at maging mga ahensiya ng pamahalaan na gagamit ng lupaing ninuno. Hinalimbawa rito ang mga nagtatayo ng power grids, power generators at watersheds gaya sa Angat Dam.
Kaugnay nito, isusunod ang disenyo at sistema ng magiging Ancestral Domain Management Office kung paano namamahay at namumuhay ang mga katutubong Dumagat.
Sa Angat Dam Watershed planong itayo ang tanggapan na target maisakatuparan bago matapos ang 2022.
Kapag naging operasyonal na, ang magiging inisyal na sistema, ang sinumang may nais gawin o bumisita sa mga natukoy na lupaing ninuno sa San Jose Del Monte City, Donya Remedios Trinidad at Norzagaray ay dapat dito muna unang sumadya upang makapagpaalam direkta sa mga katutubo.
Samantala, tutulong din ang NCIP sa mga Dumagat upang makapagbukas ng kani-kanilang mga bank accounts sa Land Bank of the Philippines sa ngalan ng kanilang tribo.
Layunin nito na magkaroon ng sistema at mapangalagaan ang pagtanggap ng mga katutubo ng anumang tulong pinansiyal at royalty, sa mga nagnanais pumasok o gumalaw sa kanilang lupaing ninuno.
Bilang panimulang laman ng nasabing bank account, nagkaloob ng P30 libo halaga ang mga opisyal ng NCIP na paghahatian ng mga tribo sa pamayanang Karahume, Kalawakan at Kabayunan.