Pagtaas ng Presyo ng Petrolyo at mga Hamong Pang-ekonomiya

Sa isang eksklusibong panayam na ginawa kaninang umaga, ika-10 ng Marso, 2026, sa City Hall ng Malolos, ibinahagi ni Mayor Christian Natividad ang mga hakbang na ginagawa ng lungsod upang harapin ang kasalukuyang problema sa ekonomiya.

Kasama sa mga hakbang na ito ang pagpapatupad ng apat na araw na workweek mula 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, upang mapabuti ang efficiency at mabawasan ang gastusin sa operasyon.

Aktibo rin ang siyudad sa pagpapaigting ng energy conservation sa pamamagitan ng araw-araw na “Earth Hour,” kung saan pinapatay ang mga non-essential na ilaw sa mga opisina ng gobyerno ng isang oras upang makatulong sa pagbawas ng konsumo sa enerhiya at pagpapalaganap ng kamalayan sa komunidad.

Tungkol naman sa pagtaas ng presyo ng gasolina, ipinaliwanag ni Mayor Natividad na patuloy na nagsusupervise ang kanilang mga tauhan upang madagdagan ang pagbabantay sa mga gasolinahan laban sa mga ipinagbabawal na gawain tulad ng hoarding at labis na pagtaas ng presyo.

May mga gasolinahan na pansamantalang nagsara at pagkatapos ay nagbukas muli na may mas mataas na presyo, kaya’t patuloy ang kanilang imbestigasyon.

Nagpapatuloy din ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga ahensya upang masiguro ang patas na gawain at tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng krisis.

Sa kasalukuyan, naabutan na nilang nakatanggap ng tulong ang nasa pitong pamilya ng OFWs at iba pang nangangailangan bilang bahagi ng kanilang social support program.

Binibigyang-diin ng mayor ang kahalagahan ng pagkakaisa ng komunidad at ang pagiging responsable ng bawat isa sa panahong ito.

Hinimok niya ang lahat na manatiling alerto, magtipid sa paggamit ng mga resources, at magtulungan. Ang kanyang mensahe sa mga residente ng Malolos: “Ginagawa namin ang lahat para protektahan ang inyong kapakanan, ngunit kailangan din ang inyong kooperasyon. Manatili tayong kalmado at nagkakaisa, magpatuloy sa pananalangin, at magtiwala na malalagpasan natin ang pagsubok na ito. Matatag ang Malolos dahil sa lakas at pagmamalasakit ng kanyang mga mamamayan.”