Pagsusulong ng responsableng pamamahayag, ibinilin sa mga ‘Bagong Plaridel’

Binigyang diin ni Kinatawan Danilo Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan sa kambal na pagdiriwang ng National Press Freedom Day at ang araw ng kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar, na makatwirang maging responsable sa pamamahayag ang bawat mga “Bagong Plaridel” sa ngalan ng kabutihan at katotohanan. (NHCP)

BULAKAN, Bulacan — Isinulong sa unang pagdiriwang ng National Press Freedom Day ang pagkakaroon ng responsableng pamamahayag.

 

Ang selebrasyon ay kasabay ng pagdiriwang ng Ika-172 Taong Anibersayo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar.

 

Ayon kay Bulacan 1st District Representative Danilo Domingo, matatawag na mga “Bagong Plaridel” ang mga kasalukuyang henerasyon ng mga mamamahayag kung sila’y responsable sa propesyong sinumpaan.

 

Kaya naman hinikayat ni Domingo ang mga “Bagong Plaridel” na bukod sa pagiging responsable, kinakailangan aniyang tiyakin na hindi mabubusalan ng kahit na sino ang pagpapahayag dahil nakasalalay dito ang kabutihan at katotohanan.

 

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Gobernador Daniel Fernando na sa diwa ng unang National Press Freedom Day na ipinagdiriwang sa kaarawan ni Del Pilar, makatwiran aniyang humakbang ang bawat isa mula sa pamahalaan, pribadong sektor at ang karaniwang mga mamamayan upang tapusin ang lahat ng uri ng pananamantala sa Kalayaan.

 

Ipinaliwanag ng gobernador na kung ipinaglaban nina Del Pilar at kagaya niyang mga bayani ang Kalayaan, marapat lamang na ang mga nagmana nito o ang kasalukuyang henerasyon ay magtanggol at mangalaga.

 

Halimbawa na rito ang usapin tungkol sa kalikasan kung saan malaki ang ginagampanan ng mga mamamahayag upang mapangalagaan ito.

 

Bilang resulta aniya ng masidhing pag-uulat ng mga mamamahayag hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng quarrying at mining sa Bulacan, naipalitaw ang katotohanan sa hindi magandang kalagayan nito.

 

Ito ang nagbunsod upang pansamantalang suspendihin ni Fernando ang quarrying at mining sa Bulacan upang marepaso ng Sangguniang Panlalawigan ang sistema sa pagmimina, pagbubuwis at pangangalakal nito. 

 

Itinakda ng Republic Act 11699 ang Agosto 30 taun-taon bilang National Press Freedom Day sa karangalan ni Del Pilar.