LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Mas magiging mabilis ang pagtulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga nasalanta ng bagyong Carina at agad na maikakasa ang kailangang rehabilitasyon, sa pagkakapailalim sa Bulacan sa State of Calamity.
Iyan ang binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando sa idinaos na Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Full Council meeting na ginanap sa PDRRMO Operations Center sa bakuran ng Kapitolyo sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Pangunahing batayan ng deklarasyon ang malalaking pinsala na iniulat ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan na kaagapay ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal.
Sa inisyal na ulat ni Engr. Glenn Reyes, pinuno ng Provincial Engineering Office (PEO), aabot na sa P789 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa iba’t ibang panig ng Bulacan.
Ayon naman kay Gloria Carillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO), may inisyal na P25 milyon ang naitatalang pinsala sa sector ng agrikultura o pagsasaka.
Una sa listahan ng mga pinaka nasalanta sa sektor na ito ang 92.3 ektaryang gulayan ng nasa 349 na maggugulay. Umaabot na sa P13.7 milyon ang halaga ng mga nasira na mga gulay o low-land vegetable. Nalubog naman sa mataas na pagbaha ang 1,106 na ektaryang Palayan ng 829 na mga magsasaka na may halagang P5.2 milyon.
Aabot naman sa 100 libong family food packs ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Bulacan kung saan 10 libo rito ay ipinadala na sa lalawigan. Iba pa rito ang 1,500 na food packs at 1,500 na non-food packs mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Sinabi pa ni Tiongson na matitiyak ng pagtutulung-tulong na ito na masuplayan ng family food packs ang nasa 5,599 na pamilya o 21, 504 na mga indibidwal pinaka naapektuhan ng bagyong Carina.
Para naman sa kapakanan ng mga mamimili, nagpaalala si Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan Provincial Director officer-in-charge Cristy Valenzuela na kalakip ng pagdedeklara ng State of Calamity sa lalawigan ang pagpapatupad ng price freeze sang-ayon sa Price Act o Republic Act 7581.
Samantala, ibinalita rin ni PDRRMO Officer-in-Charge Ma. Luisa Tapican na nakatakdang bumili ang pamahalaang panlalawigan ng dalawang bagong Amphibian Vehicles upang maging pangmatagalang kasangkapan tuwing may malakihang pagbabaha.
Naging malaking hamon sa ginagawang rescue operations ngayon ang malalalim na pagbaha sa Bulacan partikular sa magkatabi na lungsod ng Meycauayan at bayan ng Marilao na aabot sa 10 hanggang 12 talampakak. Ito ang dahilan kung bakit hindi kaagad nakapasok ang mga malalaking truck upang sumagip ng mga na-stranded o na-trap na mga tao. Sa kasalukuyan, puspusan ang First Scout Ranger Regiment at 70th Infantry Battalion ng Philippine Army sa pagsasagawa ng rescue operations.
Ipinadala rin ni Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan First District Engineering Office head Engr. Henry Alcantara ang mga utility trucks nito upang madagdagan ang mga nagagamit sa nasabing rescue operations.