PANIQUI, Tarlac (PIA) — Ipinaabot ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa lalawigan ng Tarlac ang taos-pusong pasasalamat sa kanilang natanggap na Certificates of Condonation and Release of Mortgage (COCROMs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga COCROMs sa may 3,527 magsasaka sa lalawigan na naabswelto sa pagbabayad ng amortisasyon ng lupa sa ilalim ng Republic Act 11953 o New Agrarian Emancipation Act (NAEA).
Ayon kay Marcos, pinawalang-bisa ng naturang batas ang pagkakautang na dapat bayaran ng mga benepisyaryo na nagkakahalaga ng higit P124 milyon.
“Isa sa pinakamalaki at makabuluhang karangalan bilang Pangulo ay ang buuin ang naging pangarap ng milyong-milyong Pilipino na magkaroon ng sariling lupa at mabura ang inyong utang,” paliwanag niya.
Nasa 4,663 COCROMs ang ipinamahagi sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na sumasaklaw sa 4,132 ektaryang lupang pang-agrikultura sa probinsya ng Tarlac.
Samantala, tinuran ni Mario Velasco, 64 taong gulang mula sa bayan ng La Paz, ang malaking kaginhawaan na dulot ng NAEA sa kanila.
Emosyonal na inilahad ni Velasco na sa ilang dekadang pagsasaka, matagal niyang hinintay na bumalik ang nasabing programa na sinimulan pa ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
“Malaking tulong talaga ito [NAEA]. Yung programa ng naunang Marcos ngayon lang natuloy. Ang tagal bago bumalik pero nabunutan ng tinik ang mga magsasaka. Malaking ginhawa kasi hindi na iisipin ang paghulog sa lupa. Sa ating pangulo, maraming salamat po,” aniya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Marcos na maaari nang ilaan sa iba pang pangangailangan at gastusin ang pera na dapat ibabayad sa amortisasyon, interes at dagdag singil sapagkat tinugon na ng pamahalaan ang kanilang suliranin.
“Sinasagot at inaalis na ng gobyerno ang malaking pasanin na dala ng mga utang na naging kakambal ng inyong lupang sakahan. Wala na po kayong aalalahanin, maging ang mga susunod na magmamana ng lupang inyong sinasaka,” aniya.
Giit ng pangulo, mas maitutuon na ng mga magsasaka ang kanilang pansin sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan sapagkat nabura na ang kanilang pangamba at pasanin sa pagbabayad ng utang.
Hiling ni Marcos sa mga ARBs, pagyamanin ang kanilang lupang sakahan upang mas maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at mapayabong pa ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Olivia Manebog, 63 taong gulang mula sa bayan ng La Paz, na ipupuhunan niya sa ibang negosyo ang dapat na ipambabayad sa amortisasyon ng kaniyang dalawang ektaryang lupa.
“Pagpapala ito sa amin dahil wala na kaming babayaran. Salamat po sa napakalaking tulong sa mga magsasakang katulad namin. Magkakaroon na po ng konting puhunan para makapag-invest sa ibang negosyo at may pagkakitaan bukod sa pagsasaka,” paliwanag ni Manebog.
Nagpasalamat din sa pangulo ang benepisyaryong si Jessie Gardanozo, 58 taong gulang mula sa lungsod ng Tarlac, na halos apat na dekada nang magsasaka.
“Maraming salamat po sa ibinagay ninyong tulong sa aming mga magsasaka. May ipangdadagdag na sa badyet sa pagkain at iba pang bagay. Malaking pakinabang po ito sa amin,” sabi ni Gardanozo.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Tarlac Governor Susan Yap ang pasasalamat at pagsuporta sa programa ni Marcos para sa mga magsasakang Tarlakenyo.
Sa tulong ng mga programa ng administrasyon, ayon sa gobernadora, kinilala ang Tarlac bilang may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa agrikultura sa buong Pilipinas para sa taong 2022 at 2023.
“Makakaasa po kayo na sa Provincial Government of Tarlac, pangangalagaan natin ang mga ARBs at ang inyong handog na serbisyong tapat para sa lahat,” aniya.
Ang distribusyon ng COCROMs sa Tarlac, na idinaos sa bayan ng Paniqui, ay pangatlo na sa isinagawa ng DAR sa Gitnang Luzon.
Nauna ang pamamahagi sa 1,000 ARBs sa Bulacan at 6,000 ARBs sa Nueva Ecija.
SOURCE: Trixie Joy B. Manalili PIA3