
LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Pormal nang inilunsad ang “Buntalan sa Paaralan” na naglalayong turuan ng paglalala ng sambalilong Buntal ang mga guro at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, na nasa ilalim ng Department of Education School Division of Baliwag.
Itinaon ito ngayong pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Kababaihan bilang parangal sa mga katandaang babae sa nayon na matiyagang naglalala ng nasabing sambalilo.
Unang isinailalim sa programa ang 20 gurong nagtuturo ng Technology and Livelihood Education (TLE) sa Grade 7 hanggang 10, at mga nagtuturo ng Technical-Vocational-Livelihood sa Grade 11 at 12.
Pinangunahan ni Philippine Fiber Industry Development Authority (PFIDA) Executive Director Ali Atienza ang naturang paglulunsad kung saan tiniyak niya ang mga istratehikong hakbang, upang tunay na mapalakas ang produksiyon ng sambalilong Buntal at mapanatili ang mataas na kalidad nito.
Hindi aniya maikakaila ang ganda ng kalidad ng mga sambalilong Buntal na likhang kamay ng iilang matatandang manlalala sa mga kanayunan ng Baliwag.
Kaya’t tututukan ng PFIDA ang malawakang pagtatanim ng mga puno ng Buri na pinagkukuhanan ng hilaw na materyales sa pagbubuntal.
Target itong gawin sa mga tukoy na bahagi ng mga lupang sakahan na isinailalim sa reporma sa lupa sa Bulacan.
Pormal na nagkaroon ng kasunduan ang PFIDA at ang Department of Agrarian Reform kaugnay ng inisyatibo kamakailan, ayon kay Atienza.
Mula nang naitala noong 1910s na nagsimulang maglalala ng sambalilong Buntal ang mga matatanda sa Baliwag, na noo’y isang malaking nayon lamang ng dating pueblo ng Quingua, na ngayo’y bayan na ng Plaridel.
Inaangkat pa sa Tayabas na ngayon ay lalawigan ng Quezon ang karamihan sa mga hilaw na materyales na Buri.
Ayon kay Baliwag Buntal Enterprise Inc. President Rosario Bautista, na isa ring Buntal Hat heritage preservation advocate, palaki nang palaki ang bilang ng mga kailangang sambalilong Buntal sa merkado.
Kabilang sa mga pirming export market ng nasabing produkto ang Australia, Canada, Italy, at ang Amerika.
Sa kabila na ang merkado na mismo ang naghahanap sa sambalilong Buntal, hindi aniya ito masuplayan dahil sa mababang produksiyon bunsod ng kakaunting mga tao na lamang ang naglalala.
Sa nakalipas aniya na 20 taon, aabot sa 10 libong piraso ng sambalilong Buntal ang nagagawa sa Baliwag kada buwan.
Ngunit ngayon, mapalad na kung umabot sa 100 piraso kada buwan na lamang dahil sa nagsitanda o pumanaw na ang ibang manlalala.
Bawat isang piraso ng sambalilong Buntal ay matiyagang nilalala sa loob ng isang lingo aabot ang halaga mula P3,000 hanggang P5,000.
Sinabi ni Mariano Ponce National High School TLE Education Program Supervisor Myrisa Balondo na sa pamamagitan ng “Buntalan sa Barangay”, hindi lamang ito magtuturo ng paglalala ng sambalilong Buntal sa mga guro at sa nasa 500 mga mag-aaral kundi maisasalin sa bagong henerasyon ang pamanang sining na nagbigay ng tatak para sa Baliwag.
Kalakip ng pagpapalakas ng produksiyon, ipinahayag din ni Atienza na ipaprayoridad ng PFIDA na makabilang ang sambalilong Buntal ng Baliwag sa mga matataas na kalidad na produktong itatampok at ititinda sa Green Expo 2027 sa Yokohama, Japan.
Iba pa rito ang paglalagay ng display sa binuhay na Likhang Filipino Exhibition Halls ng Center for International Trade, Exhibitions and Missions o CITEM ng Department of Trade and Industry na matatagpuan sa International Trade Center complex sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay.
Samantala, nauna nang nagpatanim ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ng tig-tatlo hanggang apat na punla ng Buri sa mga bakanteng lupa ng 30 pampublikong paaralan sa lungsod.
Magpapatuloy muna ang pag-angkat ng mga hilaw na materyales na Buri sa Quezon habang hinihintay itong tumubo at lumago sa susunod na pito hanggang sampung taon.





