Pagkumpuni sa Marilao Bridge, minamadali na ng NLEX

Nagsasagawa ngayon ng masusing pagsusuri ang NLEX Corporation sa kondisyon ng Marilao Interchange Bridge na nabangga ng 18-wheeler truck noong Linggo na nagdulot ng matinding trapik a mga motorista.
 
Nabatid na ang 2 bridge girder ay nagtamo ng matinding pinsala mula sa impact at kailangang palitan.
 
 
“Ang mga girder na ito ay pansamantalang sinusuportahan para sa kaligtasan, ngunit kailangan itong ganap na palitan. Inaasahan namin na ang mga kinakailangang pagkukumpuni ay matatapos sa loob ng dalawang linggo,” pahayag ng NLEX.
 
Noong Marso 19 bandang 1:10AM nang mangyari ang nasabing road crash matapos aksidenteng bumangga sa tulay ang isang trak patungong north bound na nagdulot ng matinding pinsala at matinding trapiko sa mga motorista hanggang sa kasalukuyan.
 
Ang aksidente ang nagtulak sa NLEX Corporation na isara ang 2 lane upang mapabilis ang proseso ng pagkukumpuni na nasimulan na at minamadali ang pagkumpuni.
 
Ang aksidente ay lubhang nakaapekto sa trapiko sa bahagi ng north bound.
 
 
Nabatid na pansamantalang sarado ang middle lanes sa northbound direction (lanes 2 at 3). Kapag posible, bubuksan ang isang zipper lane sa direksyon sa timog upang makatulong na maibsan ang pagsisikip.
 
“Nag-post din kami ng mga alternatibong ruta sa aming mga social media pages upang mabigyan ang mga motorista ng karagdagang mga pagpipilian,” sabi ng NLEX.
 
Ang NLEX ay nakatuon sa pagpapabilis ng pag-aayos at pagpapanumbalik ng normal na daloy ng trapiko sa lalong madaling panahon.
 
Ayon sa NLEX, naglagay ang management ng mga show ring sa loob ng dalawa at tatlong lane para matiyak ang kaligtasan habang isinasagawa ang repair works.
 
Inaasahan ang mabagal na paggalaw ng trapiko sa magkabilang direksyon ng NLEX kung saan iniulat ng mga Patrol team onsite na ang trapiko mula sa NLEX Harbour Link Interchange Bridge patungong Marilao Northbound ay gumagalaw sa 10 hanggang 15 km/h.
 
“Humihingi po kami ng paumanhin para sa abala at salamat sa iyong pasensya at pag-unawa habang nagtatrabaho kami upang matiyak ang iyong kaligtasan,” sabi ng mga opisyal ng NLEX.