LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Inihain sa lungsod ng Baliwag ang may 2,400 piraso ng mga okoy na bumuo ng isang higanteng anyo ng bilao bilang bahagi ng promosyon na maisalin sa mga kabataan ang paraan ng paggawa nito.
Tampok ang nasabing pinalaki na Okoy sa idinaos na Bestival Chef na inorganisa ng SM City Baliwag sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Baliwag at ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO).
Ayon kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, higit pa sa pagkain ang okoy ng Baliwag kundi isa ring simbulo ng mayamang agrikultura sa kabila ng pagiging lungsod.
Bukod sa pagiging sentro ng kalakal sa hilagang-silangan ng Bulacan, kilala ang Baliwag na inaanihan ng matataas na kalidad ng high-value commercial crops tulad ng kalabasa na hilaw na sangkap ng okoy.
Nasasalamin din aniya ang pagiging malikhain ng mga taga-Baliwag na nagbigay ng bago at katakam-takam na impresyon sa kalabasa bilang isang masarap at masutansiyang pagkain sa anyo ng okoy.
Kaya’t bilang panimula na maisalin sa mga kabataan ang tamang pamamaraan sa paggawa ng okoy, pinasimulan sa mga mag-aaral sa kulinarya mula sa National University-Baliwag Campus ang hand-on training ng bawat hakbang sa paggawa hanggang sa pagluluto.
Nagsilbing tagapagsanay sa paggawa ng okoy ang franchise firm na Okoy King.
Para kay SM City Baliwag Branch Manager Rodora Tolentino, layunin ng inisyatibong Bestival Chef sa ilalim ng Foodie Festival na mahikayat ang mga kabataan na tangkilikin ang mga katutubong pagkain sa gitna ng nagbabagong panahon.
Kinatigan naman ito ni Mayor Ferdinand Estrella na nagsabing, matitiyak ng mga kagaya nitong programa na maipepreserba ang paggawa ng okoy na itinuturing na isang pamanang kulinarya ng lungsod, dahil may mga susunod na henerasyon na patuloy na gagawa, magluluto at hindi mawawala sa mga hapag-kainan.
Kinayas na kalabasa at binalutan ng timpladong harina na inilubog sa kumukulong mantika ang nagpapalutong sa okoy.
Pamosong almusal, minandal at kutkutin ang okoy sa Baliwag na hinahabol makain at maubos habang mainit pa.
Samantala, hinikayat naman ni Crispin de Luna na kinatawan ni Gobernador Daniel Fernando ang mga micro, small and medium enterprises sa Baliwag na gumagawa at nagtitinda ng okoy, na subukang paramihin pa ang produksiyon upang higit na madagdagan ang kita.
Handa aniya ang pamahalaang panlalawigan na pahiramin sila ng puhunan na walang interes sa ilalim ng Bayanihan Bulakenyo Financial Assistance sa ilalim ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office.