LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Mas paiigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagtugon para lalong matulungan at maagapayan, ang maraming naapektuhan ng malawakang pagbabaha ngayong nakapailalim na ang lalawigan sa State of Calamity.
Ito’y sa bisa ng Kapasyahan Blg. 579-T2023 na pinagtibay sa special session ng Sangguniang Panlalawigan kahapon sa pangunguna ni Bise Gobernador Alexis Castro.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO Head Manuel Lukban, ang deklarasyon ay nagbibigay ng pahintulot upang wastong magamit ang Local Disaster Risk Reduction and Management o LDRRM Fund.
Base sa quarterly reports sa full disclosure policy ng Provincial Accounting Office ng pamahalaang panlalawigan nitong Hunyo 30, kasalukuyan na may halagang P268 milyon ang LDRRM Fund ng Kapitolyo.
Sa loob ng nasabing halaga, 30% nito ang nakalaan sa Quick Response Fund o QRF na katumbas ng P93.6 milyon at 70% sa Mitigation Fund na nagkakahalaga ng P138.3 milyon. Iba pa rito ang P35.9 milyon mula sa iba’t ibang funding sources na ibinigay sa pamahalaang panlalawigan.
Kabilang ang nasabing mga pondo sa mga pagkukuhanan ng iba’t ibang uri ng tulong para sa mga binaha at napinsala. Halimbawa na rito ang 5,631 na pamilyang inilikas sa mga evacuation centers na katumbas ng 21,637 na indibidwal. Kabilang sila sa may 228,648 na mga pamilya na naapektuhan ng nasabing malawakang pagbabaha sa 171 na mga barangay.
Ayon kay Rowena Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO, sila ang prayoridad na mapagkalooban ng mga food packs mula sa Kapitolyo. Halos 3,000 food packs na ang inisyal na naipadala.
Habang ipinapaubayan na sa mga pamahalaang bayan at lungsod ang paghahatid ng mga food packs o relief goods sa mga pamilyang binaha ngunit hindi na lumikas.
Kasabay nito, nakapagpadala na ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ng unang 3,513 na mga Family Food Packs. Ayon kay Karen Cunanan, information officer ng DSWD-Region III, 223 na Family Food Packs ang ibinigay sa mga naapektuhan sa Angat, 40 sa Norzagaray, 2,000 sa Guiguinto at 1,250 sa Pandi.
May darating pang tig-1,000 sa Calumpit at San Miguel at tig-2,000 sa Hagonoy at Malolos.
Sa agrikultura, umaabot na sa inisyal na P93.1 milyon ang pinsala. Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng high value commercial crops kung saan P39.9 milyong halaga ng mga tanim na gulay ang nasira na kabuhayan ng 572 na mga maggugulay.
Nasa 4,073 na ektaryang lupang sakahan ng Palay ng 2,973 na mga magsasaka naman ang nalubog sa malaking pagbaha na aabot sa P25.4 milyon ang halaga. Mayroon ding napinsala sa sektor ng Maisan na may halagang P66 libo.
Iba pa rito ang pag-apaw ng 859.57 ektarya ng mga palaisdaan sa Bulacan na pag-aari ng 668 na mga mangingisda, kung saan P27.6 milyong halaga ng mga Isda, Hipon at iba pang yamang dagat ang tumapon.
Naapektuhan din ang 116 na nasa industriya ng paghahayupan na nalugi ng P10.7 milyon at 130 na mga magma-Manok pati na ang may Itlugan na nasa P4.3 milyon ang halaga ng pinsala.
Sa imprastraktura, ang inisyal na pinsala ay naitala sa mga pagkasira ng mga bahagi ng dike sa EVR Avenue sa Barangay Lawang Pari, Blk. 56-Lot 20 and 21 sa Barangay San Rafael II at Santa Maria River sa Barangay Dulong Bayan na pawang nasa lungsod ng San Jose Del Monte.
Nagbigay naman ng direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando sa Provincial Engineering Office o PEO at hiniling sa Department of Public Works and Highways o DPWH na tutukan ang tuluy-tuloy na paghuhukay ng mga sapa at kailugan.
Base sa inisyal na pagtataya ng PEO, aabot sa P500 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa Bulacan. Ibinalita rin ng gobernador na inihabla na ng National Irrigation Administration o NIA ang kontratista na gumawa ng depektibong rubber gate ng Bustos Dam.
Samantala, nakipagpulong naman si Gobernador Fernando sa pitong mga kinatawan ng pitong distrito ng Bulacan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Dito pormal na hiniling at inihain ng gobernador na lalo pang paigtingin ang pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga Bulakenyong lubos na naapektuhan ng nagdaang mga bagyo.
Dagdag ulat ni: ERICK SILVERIO