Pagdagsa ng mga turista sa 4 na festival sa Bulacan ngayong Enero inaasahan

Inaasahan ang pagdagsa ng libo-libong turista sa apat na festival sa lalawigan ng Bulacan ngayong Enero. Kabilang na riyan ang Fiesta Republika ng lungsod ng Malolos. (PIA file photo)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Inaasahan ang pagdagsa ng libo-libong turista sa apat na festival sa lalawigan ng Bulacan ngayong Enero.

 

Ito ang Fiesta Republika ng lungsod ng Malolos, Minasa Festival ng bayan ng Bustos, Bulak Festival ng bayan ng San Ildefonso, Halamanan Festival ng bayan ng Guiguinto.

 

Sinabi ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz na ang Fiesta Republika ngayong taon ay may temang “Kalinangang Malolenyo, Alab ng Lahing Pilipino” kung saan magiging lundo ng selebrasyon ang ika-125 anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas sa Enero 23.

 

Samantala, ipinagdiriwang sa festival ng Bustos ang tanyag nitong Minasa cookies. Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad ang trade fair, Juan Big Surprise Concert at Tugtog at Sayaw Alay kay Sto. Niño. 

 

Sa kabilang banda, tampok ang Lutong Bulak sa festival ng San Ildefonso. Magkakaroon din parada at basketball games.

 

At pang-huli, tampok sa Halamanan Festival ng Guiguinto ang Hari at Reyna ng Halamanan, Gawad Guintong Halamanan, Musikahan sa Halamanan, at ika-26 Halamanan Festival Grand Parade.