LUNGSOD NG MALOLOS- Pinangunahan ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at Chief Executive Officer Alejandro H. Tengco ang pagbibigay ng dalawang branded na medical equipment kay Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito noong Lunes.
Gagamitin ang mga high-end equipment, isang 2D echo machine at isang portable ultrasound machine, sa Bulacan Medical Center upang makatulong sa pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan ng mga Bulakenyong pasyente.
“Pinili po ng PAGCOR na ang ipagkaloob ay hindi basta lamang na mga medical equipment kundi branded medical equipment. Iyan po ang isa sa pinakamahusay na gumagawa ng mga medical equipment,” ani Tengco.
Dagdag pa niya na walang nais na kapalit ang PAGCOR kundi ang alagaan ang mga makina upang makatulong sa mga Bulakenyo sa mahabang panahon.
Samantala, pinasalamatan ni Fernando ang Bulakenyong pinuno ng PAGCOR sa kanyang palagiang pagtulong sa Bulacan sa pamamagitan ng paghahatid ng iba’t ibang tulong kabilang ang makinarya sa pagsasaka at assistive at medical devices maliban sa iba pa.
“Mapalad po ang lalawigan ng Bulacan sapagkat tayo ay mayroong gabinete sa ating national government na talaga naman pong mahal na mahal niya ang ating lalawigan at pabalik-balik upang magdala ng mga biyaya sa ating mga kapwa Bulakenyo,” anang gobernador.
Gayundin, nangako si Tengco na makikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Engineer’s Office upang maisakatuparan ang pangarap ni Fernando na magtayo ng Bulacan Sports Academy na itatayo sa loob ng Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito.