LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Inilatag ng Bulacan Micro, Small and Medium Enterprises Development Council o MSMEDC ang mga hakbang upang isulong ang pagbuhay at pagbabalik-sigla sa naghihingalong Tannery Industry ng Meycauayan.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Edna Dizon, ang industriya ng pagbabalat ang nagpakilala at nagpaunlad sa lungsod sa nakalipas na mahigit na 100 taon.
Kabilang ito sa mga prayoridad na industriya sa Bulacan na target pasiglahin ng DTI na inaasahan ng nasa 200 katao para sa kanilang kabuhayan.
Sa kasalukuyan, nasa dalawang square feet na lamang ang produksyon ng balat kada taon. Kaya’t hindi na aabot sa 200 milyong piso ang halaga ng industriyang ito ngayon.
Malayung malayo sa 20 milyong square feet na produksyon ng balat sa kasagsagan ng kasikatan ng Tannery Industry sa Meycauayan bago pumasok ang Ika-21 siglo.
Ayon kay Mary Lazaro, pangulo ng Tanners Association of the Philippines o TAP, ito ang dahilan kung bakit ang dating nasa 200 na mga tanneries sa Meycauayan ay wala pa sa 10 na lamang sa ngayon.
Una sa mga hakbang ang pagtukoy kung saan-saan makakakuha ang mga tanneries sa Meycauayan ng mga balat ng baka, kalabaw at kambing upang maging hilaw na materyales sa mga produktong gawa sa balat.
Lumalabas sa pagsasaliksik ng DTI na halos wala nang nakukuhang balat sa Luzon ang mga tanneries dahil mas prayoridad na sinusuplayan ang mga gumagawa ng Chicharon.
Kaya’t napipilitan pang humango sa Visayas, Mindanao at maging sa ibang bansa ng balat, na nagbubunsod ng mataas na presyo dahil sa limitadong suplay.
Dahil dito, target ng DTI na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture at sa attached agency nito na Philippine Carabao Center upang matiyak na may mapagkukuhanan ng balat na maging bahagi ng Livestock Development ng bansa.
Pangalawa ang paglalaan ng mga makabago at angkop na makinarya para maging moderno ang mga tanneries sa tulong ng Department of Science and Technology o DOST.
Tiniyak ni DOST Provincial Director Angelita Parungao na handa ang ahensya na umalalay upang makapagkaloob ng mga kailangang makinarya at kasangkapan.
Prayoridad ng ahensya ang mga kagamitan na magsisinop ng mga dumi mula sa mga tanneries upang magamit muli at hindi makapagdumi sa mga kailugan.
Matatandaan na pangunahin ang Tannery Industry sa mga itinuturong dahilan kung bakit nakasama sa 30 pinakamaruruming ilog sa munso ang Marilao-Meycauayan-Obando River System noong 2008.
Pangatlo, isinusulong din ng DOST na maparami ang suplay ng asin sa Bulacan na isa sa mga materyales na kailangan din sa paggawa ng mga produktong mula sa balat.
Ipinaliwanag ni Parungao na iba ang kalidad ng asin na ginagamit para sa mga pagkain at iba para sa ginagamit sa tannery.
Kaya’t bilang bahagi ng pagpaparami ng produksiyon ng asin, naghahanap ang DOST ng dalampasigan na mas malapit para pagkuhanan at pagproseso gaya sa isla ng Pamarawan sa Malolos.
Pang-apat, tututukan naman ng Department of Labor and Employment na napapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa industriyang ito.
Partikular dito ang tamang pasahod at benepisyo ng mga manggagawang kinokonsidera na ang trabaho ay delikado.
Panglima, habang hinihintay na maisakatuparan ang mga malalaki at pangmatagalang hakbang para muling pasiglahin ang Tannery Industry sa Meycauayan, nagtakda ang DTI ng Fashion Week bago matapos ang 2022.
Isa itong fashion show na magtatampok sa mga produktong balat at teternohan ng mga alahas na gawa sa lungsod.
Pang-anim, isinusulong ng mga natitirang establisemento na nasa Tannery Industry sa Meycauayan na maamyendahan ang Republic Act 9290 o ang Footwear, Leather Goods and Tannery Industries Development Act ng 2004.
Nawalan na kasi ng bisa noon pang 2014 ang probisyon nito na 10 taong development incentives para sa industriya.
Nais din nilang maging malinaw ang proseso kung papaano makakahiram ng puhunan sa Small Business Corporation, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines sa ilalim ng Republic Act 9501 o Magna Carta for MSMEs Act ng 2008.
Pangpito ang muling pagbuhay sa nawala nang kooperatiba ng mga nasa Tannery Industry sa Meycauayan kung saan tutulong ang Cooperative Development Authority.
Pangwalo, bubuo ng isang technical working group upang bumalangkas ng isang master plan kung papaano magkakaroon ng integrated water waste treatment facility para sa lahat ng tanneries sa lungsod na pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources at ng pamahalaang lungsod.
Bilang panimula, binuksan sa City Hall ng Meycauayan ang isang Heritage Museum kung saan tampok ang kasaysayan ng Tannery Industry.