LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Mayroong hanggang Oktubre 29, 2023 ang mga Bulakenyo para makapasumite ng aplikasyon para makatamo ng Calamity loan mula sa Home Development Mutual Fund na kilala bilang PAG-IBIG o Pagtutulungan sa Kinabukasan, Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno.
Ayon kay Maria Rosario Merle ng marketing sales ng PAGIBIG-Malolos branch, ang palugit ay base sa 90 araw mula nang maipasailalim sa State of Calamity ang Bulacan noong Hulyo 31, 2023 sa bisa ng Kautusang Panlalawigan Blg. 579-T’2023.
Lahat ng Bulakenyong kasapi ng PAGIBIG na may hulog na kontribusyon sa nakalipas na 24 buwan o dalawang taon ay uubrang kumuha ng Calamity Loan. Hindi kailangang nasiraan o nawalan ng bahay para maging kwalipikado rito.
Basta’t sagutan lamang ang application form para sa Calamity Loan na pwedeng mai-download mula sa website nito na www.pagibig.gov.ph . Ilakip ang pay slip o payroll sa nakalipas na isang buwan at ang photocopy ng kabilaan ng dalawang valid identification o I.D.
Maaaring mahiram ang nasa 80% ng kabuuang naihuhulog ng isang miyembro. Kapag naaprubahan ang aplikasyon, makukuha ang hiniram na pera sa loob ng tatlo hanggang limang araw sa pamamagitan ng Loyalty Card Plus o sa bank account ng miyembro sa Land Bank of the Philippines.
Nasa 5.95% lamang ang interes na pwedeng bayaran sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Binigyang diin ni Merle na hindi naman hahayaan ng PAG-IBIG na maging default ang isang miyembro o hindi makabayad sa loob ng panahon ng palugit. Ito’y dahil kusa nang kakaltasin unti-unti ang nahiram na Calamity Loan sa mga susunod na buwanang hulog.
Samantala, bukod sa regular na operasyon ng mga sangay ng PAG-IBIG sa mga lungsod ng Malolos, Baliwag, Meycauayan at San Jose Del Monte, patuloy ang pag-ikot ng PAG-IBIG On Wheels sa mga istratehikong lugar. Kasalukuyang nakahimpil ito sa bagong City Hall ng Malolos bilang pakikiisa sa Ika-445 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan.