Pag-IBIG Fund tatanggap ng calamity loan application sa Bulacan hanggang Oktubre 29

LUNGSOD NG MALOLOS — Mayroong hanggang Oktubre 29, 2023 ang mga taga Bulacan para makapasumite ng aplikasyon sa calamity loan sa Pag-IBIG Fund.

Ang palugit ay base sa 90 araw mula nang mapasailalim sa State of Calamity ang lalawigan noong Hulyo 31, 2023 sa bisa ng Kautusang Panlalawigan Blg. 579-T’2023.

Ayon kay Maria Rosario Merle ng Pag-IBIG Malolos branch, lahat ng taga Bulacan na miyembro ng Pag-IBIG na may hulog na kontribusyon sa nakalipas na 24 buwan o dalawang taon ay maaring kumuha ng calamity loan.

Hindi kailangang nasiraan o nawalan ng bahay para maging kwalipikado rito.

Basta’t sagutan lamang ang application form para sa calamity loan na pwedeng mai-download mula sa official website nito na www.pagibigfund.gov.ph.

Ilakip ang pay slip o payroll sa nakalipas na isang buwan at ang photocopy ng kabilaan ng dalawang valid ID.

Maaaring mahiram ang nasa 80 porsyento ng kabuuang naihuhulog ng isang miyembro.

Kapag naaprubahan ang aplikasyon, makukuha ang hiniram na pera sa loob ng tatlo hanggang limang araw sa pamamagitan ng Loyalty Card Plus o sa bank account ng miyembro sa Land Bank of the Philippines.

Nasa 5.95% lamang ang interes na pwedeng bayaran sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.