
Naniniwala si dating Senador Manny “Pacman” Pacquiao na sa pamamagitan ng pag-level up sa mga magsasaka sa bansa ay maiiwasan ma-discourage ang mga ito sa pagtatanim.
Ito ang ibinahagi ni Pacquiao sa ginanap na press conference bago ang kanilang major rally ng buong senatorial slate ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas kung saan mainit ang naging pagtanggap sa kanila ng mahigit sa 20,000 Bulakenyo noong nakaraang Biyernes sa City of San Jose Del Monte sa Bulacan.
Ang bawat kandidato ay nagbahagi ng kani-kanilang mga plataporma na siyang tutukan sakaling makabalik o mahalal ang mga ito bilang senador sa nalalapit na National and Local Midterm Elections.
Dito ay isa-isang ibinida ng mga kandidato ang mga nai-ambag at mga itutulak pang mga batas sakaling mahalal sila bilang senador.

Ayon kay Pacquiao, kailangang tutukan ng gobyerno ang agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng mga komprehensibo at konkretong programa para sa mga magsasaka.
“Dapat i-regulate ng ating gobyerno yung pag-release ng basic commodities sa market at magkaroon ng concrete program ang ating government na bilhin ang produkto ng mga farmers at i-encourage pa sila,” ayon kay Pacquiao.
Sinabi ni Pacquiao na kailangang i-level up ang mga magsasaka para hindi ma-discourage sa pagtatanim sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaagapay mula sa gobyerno para mapataas ang productivity ng mga pananim na bahagi ng legislative agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasama rin sa tutukuan ng 12 administration senatorial slate ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas ang problema sa transportasyon partikular sa Lungsod Ng San Jose Del Monte kaya naman sinisiguro ng mga ito na mabilis na matatapos ang Metro Rail transit Line 7 (MRT 7) upang mapagaan ang paglalakbay ng mga komuter at mapadali ang economic activities sa Bulacan.
Bukod kay Pacquiao, kabilang rin sa 12 senatoriables sina former senator Ping Lacson, former DILG Secretary Benhur Abalos, former senator Tito Sotto, Senator Bong Revilla, Senator Francis Tolentino, Senator Pia Cayetano, Makati City mayor Abby Binay, House Speaker Camille Villar, Senator Lito Lapid, Sen. Imee Marcos at Erwin Tulfo.